Ibinahagi ni "Labyu with an Accent" Kapamilya star Jodi Sta. Maria ang kaniyang engkuwentro sa isang airport kung saan, nagkaroon pa siya ng isang isang instant pet cat matapos itong "iligtas".
Salaysay ni Jodi, napansin niya ang naturang kuting na ngiyaw nang ngiyaw at tila humihingi ng pagkain sa mga tao. Nabagbag ang damdamin ng award-winning actress dahil nasasagasaan ito ng mga cart ng mga pasaherong nagmamadali nang umuwi.
"Poor kitty now has a new home. Found this kitten at the airport. She kept meowing as if asking for humans to feed and help her. It was raining too so she must have been cold. Kawawa coz nababangga siya ng cart ng passengers," pagbabahagi ni Jodi sa kaniyang tweet nitong Enero 5 ng hapon.
Dagdag pa ni Jodi, isang pasahero pa raw ang nagalit sa kaniya. Mukhang hindi nakilala ng naturang pasahero si Jodi.
"Napagalitan pa ako ng isang pasahero… kasi pinigilan ko yung cart niya kasi nga madadaanan yung kuting. But I super understand naman kasi everyone was rushing to get home from their flights. Sabi ko lang 'Manong pasensya na po may pusa po kasi. Then he told me 'wag nyo kasing iwan kung saan-saan alaga nyo…'"
"Then he stormed off. In my head, 'Hindi ko siya alaga…magiging alaga pa lang 😊” So I got her, took her home and named her Naia, pronounced as Na-ya kasi sa NAIA Terminal 1 ko siya nakuha."
"Now, she’s safe with us. Scheduled na rin for a vet visit. Ayun lang… konting story time," dagdag pa ni Jodi.
Natuwa naman ang mga netizen sa kabutihan ng puso ni Jodi.