Kumpiyansa si Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) president at Kalookan Bishop Pablo Virgilio David na nagampanan ni Pope-emeritus Benedict XVI ang kaniyang tungkulin na maglingkod bilang pinakamataas na pinuno ng Simbahang Katolika.

Ayon kay David, ang namayapang Santo Papa ay isang dakilang guro na biniyayaan ng husay at galing sa teolohiya na kinakailangan ng simbahan sa panahon ng kaniyang pamumuno.

“It is never fair to sort of compare either against each other. I would like to believe that Pope Benedict did his best,” pahayag pa ni David, sa programang Pastoral Visit-on-the-air ng church-run Radio Veritas.

Sinabi ng Obispo na na makailang ulit din niyang nakadaupang palad ang pumanaw na dating Santo Papa, noong 2006 sa ginanap na seminar sa mga bagong talagang obispo ng simbahan at noong 2007 sa ad limina visit ng mga obispo ng Pilipinas sa Roma.

Internasyonal

Tinatayang 150 milyong bata sa buong mundo, nananatiling 'undocumented'

Bago maging pinuno ng simbahan, si Cardinal Joseph Ratzinger o Benedict XVI ay naging pinuno ng Congregation of the Doctrine of the Faith simula 1981-2005.

Nagsilbi ring arsobispo ng limang taon sa Archdiocese ng Munich and Freising sa Germany.

Taong 2005 nang mahalal bilang Santo Papa makaraan ang pagpanaw ni Pope John Paul II.

Bagama’t ikinagulat ng marami ang kanyang pagbibitiw sa tungkulin bilang Santo Papa, sinabi ni Bishop David na higit pa ang kanyang naging paghanga sa pumanaw na Santo Papa.

Ayon kay Bishop David, na isa sa mga obispo na itinalaga ni Benedict XVI taong 2006, kinikilala ni Benedict XVI ang kaniyang kakayahan, at ang kahinaan gayundin ang pangangailangan ng nagbabagong simbahan.

“You cannot expect him to be what he is not. Benedict XVI is a teacher, intellectual, theologian, and musician,” ayon pa kay Bishop David.

Si Benedict XVI ay nagbitiw sa tungkulin taong 2013 sa edad na 85, dulot na rin ng kaniyang mahinang pangangatawan dahil sa mga iniindang karamdaman at katandaan.

Makaraan ang pagbibitiw sa tungkulin, 10 taong ginugol ni Benedict XVI ang kaniyang panahon sa pananalangin at katahimikan sa monasteryo sa Vatican City na nagsilbi niyang tahanan bago tuluyang binawian ng buhay noong Disyembre 31, sa edad na 95.

Inanunsyo na ng Vatican na ang funeral Mass para kay Pope Emeritus Benedict XVI ay isasagawa dakong alas- 9:30 ng umaga ng Huwebes (oras sa Vatican), Enero 5, sa St. Peter’s Square.

Ang kanyang mga labi ay ilalagak sa crypt sa ilalim ng St. Peter's Basilica.

Mismong si Pope Francis naman ang mangunguna sa kanyang funeral Mass.