Isang driver ang patay habang sugatan ang dalawang iba pa, nang mawalan ng preno ang isang dump truck at araruhin ang limang sasakyan na nasa kaniyang unahan sa Rodriguez, Rizal nitong Miyerkules ng hapon.

Ang biktima ay nakilalang si Ronaldo Silvestre Mijares ay kaagad na binawian ng buhay bunsod ng tinamong mga pinsala sa ulo at katawan.

Samantala, sugatan naman at nalapatan na ng lunas ang mga biktimang sina Michael Paclita at Joseph Deocareza.

Arestado naman ang suspek na si Wilhelm Consigna, na driver ng isang dump truck, na may plakang RCK-556.

Metro

QC gov’t, sinuspinde F2F classes hanggang SHS, gov’t work sa Jan. 13 dahil sa rally ng INC

Batay sa ulat ng Rodriguez Municipal Police Station, nabatid na dakong alas-3:30 ng hapon nang maganap ang aksidente sa Don Mariano Ext., Brgy. San Isidro, Rodriguez, Rizal.

Binabagtas umano ng mga naturang sasakyan ang naturang lugar, patungo sa direksiyon ng Brgy. San Isidro Proper nang bigla na lang mawalan ng preno ang dump truck na minamaneho ni Consigna.

Sanhi nito,nawalan rin ng kontrol ang driver sa truck at inararo ang mga nauunang sasakyan sa kanya.

Kabilang dito ang isang Toyota Vios (NBW-7369) na minamaneho ni Brian Lenuel; Honda Beat motorcycle (MV file no.1303-00466954) na minamaneho ni Paclita; Kawasaki Barako Tricycle (body no. SI-II-041) na minamaneho ni Deocareza; Kawasaki Barako na may sidecar na minamaneho ni Mijares at Isuzu Jitney (NYG 901) na minamaneho ni Christopher De Lara.

Sa tindi ng impact ng pagkakabangga, kaagad na binawian ng buhay si Mijares habang nasugatan naman sina Paclita at Deocareza.

Si Consigna ay nakapiit na at sasampahan ng kaukulang kaso sa piskalya.