How true kaya ang ispluk ni showbiz columnist Ogie Diaz na nakarating daw sa kaniyang kaalaman na kaya raw hindi napasama sa major awards ng 2022 Metro Manila Film Festival (MMFF) Gabi ng Parangal ang pelikulang "Family Matters" ay dahil sa isa sa mga hurado nitong si Direk Laurice Guillen?
Tinalakay kasi nina Ogie at co-hosts niyang sina Mama Loi at Mrena sa "Ogie Diaz Showbiz Update" ang naging resulta ng Gabi ng Parangal. Ang 3rd Best Picture ay "Nanahimik ang Gabi", ang 2nd Best Picture naman ay "Mamasapano: Now It Can Be Told", at ang 1st Best Picture ay ang "Deleter" na humakot-awards.
Marami raw ang nagtataka kung bakit naungusan pa ng Mamasapano (tungkol sa SAF 44) ang Family Matters at nakakuha lamang ng isang parangal---ang Gatpuno Antonio J. Villegas Cultural Award. Na-nominate din ang pelikula sa iba't ibang kategorya gaya ng Best Musical Score, Best Original Theme Song, Gender Sensitivity Award, Best Supporting Actor (Nonie Buencamino) at Best Actor (Noel Trinidad) subalit hindi sila ang nanalo.
Napag-alaman nilang ang chairman ng mga hurado ay si Direk Laurice Guillen. Kung tatanungin daw si Ogie, naloka siya sa pelikula dahil ilang beses siyang pinaiyak sa iba't ibang mga eksena. Nirekomenda pa nga ito ni Ogie dahil talagang aprub ito para sa lahat.
Kaya mismong si Ogie, nagtataka kung bakit hindi humakot ng parangal ang Family Matters dahil napakagandang pelikula nito. Para kay Ogie, ito raw ang dapat na nanalo ng Best Picture.
Sa isa pang episode ng vlog, sinabi ni Ogie na "hindi raw talaga makatulog" ang mga nakapanood ng Family Matters kung bakit ni hindi man lamang na-nominate ang pelikula sa major categories, lalo na sa pagka-Best Picture. Napolitika raw ba? Nagkaroon daw ba ng "magic" sa loob?
At may tsikang pinakawalan si Ogie na may nakarating sa kaniya, na may kinalaman daw si Direk Laurice kung bakit hindi nabigyan ng maraming nominasyon ang Family Matters?
"Ang nakarating sa atin… eh dahil ayaw mabura sa history ng Philippine movies yung 'Tanging Yaman' ni Direk Laurice Guillen noong 2001, kung saan tungkol din ito sa pamilya, para kumbaga magmarka sa mga tao at mag-iwan ito ng legasiya sa mga tao na ito ang pinakamagandang family-oriented movie…"
"Nakarating lang po sa amin…" giit ni Ogie. Nilinaw naman niyang kahit siya, hindi makapaniwala sa tsikang nakarating sa kaniya, na gagawin umano ito ni Direk Laurice.
Hindi naman kasi talagang maitatatwang nakatatak na sa isip at puso ng mga tao ang naturang pelikula.
"Iyan lang naman ang nakarating sa atin… na baka ayaw daw masapawan o matabunan yung Tanging Yaman… bilang one of the most remarkable family-oriented movies…" giit pa ni Ogie.
Matatandaang nagbigay na rin ng kaniyang "pagkadismaya" si Agot Isidro tungkol dito.
Samantala, wala pang tugon, reaksiyon, o pahayag si Direk Laurice ang iba pang mga bumuo ng jurors tungkol dito.