Handang magsumite ng courtesy resignation si Metro Manila Police chief, Brig. Gen. Jonnel Estomo kahit hindi umano sangkot sa illegal drug trade sa bansa.

Sa isinagawang pulong balitaan nitong Miyerkules, nilinaw ni Estomo na sinusuportahan niya ang panawagan ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos, Jr. sa mga heneral at koronel ng pulisya na magbitiw na upang mawala na sa PNP ang mga opisyal na umano'y dawit sa bentahan ng illegal drugs.

Pumapayag aniya ang mula 60 hanggang 70 na opisyal ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa nasabing hakbang. Gayunman, nilinaw nito na walang pumupuwersa sa kanila na gawin ito.

“Susuportahan ko ‘to kasi ako alam ko, hindi ako involved sa illegal drugs,” paglilinaw ni Estomo nang humarap sa mga mamamahayag.

National

Ilocos Norte, niyanig ng magnitude 4.0 na lindol

“Di ko alam ‘yung ibang regional offices pero dito sa NCRPO, more or less 60 to 70…pero siyempre wala itong pwersahan, nasa kanila ‘yan. Sabi ko nga sa inyo, bilang regional director ng NCRPO sinusuportahan ko ito.. Kung sila magpipirma rin, in short, sinusuportahan nila ako. Kung ‘yung iba ayaw mag-pirma, okay lang ‘yun. Walang pwersahan dito,” aniya.

Nauna nang umapela si Abalos sa mga opisyal ng pulisya na magbitiw na dahil umano sa pagkakasangkot sa bentahan ng iligal na droga.

ReplyForward