Umakyat pa sa 277 ang kabuuang bilang ng mga taong nabiktima ng paputok sa bansa o yaong fireworks-related injuries (FWRI) na naitala ng Department of Health (DOH) sa pagsalubong sa Bagong Taon o mula Disyembre 21, 2022 hanggang Enero 4, 2023.
Sa datos na inilabas ng DOH nitong Miyerkules, nabatid na nakapagtala pa sila ng 15 bagong kaso ng FWRI mula Enero 3 hanggang Enero 4, 2023 lamang.
Ayon sa DOH, ang naturang kabuuang bilang ng mga biktima ng paputok ay 49% na mas mataas kumpara sa 186 kaso lamang na naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
Gayunman, mas mababa ito ng 12% kumpara sa five-year average na 313 cases lamang sa kahalintulad na petsa.
Pinakamarami pa ring naitalang biktima ng paputok sa National Capital Region (NCR) na umabot sa 131.
Karamihan o 220 naman ng mga kaso ay mga lalaki.
Ang pinakabatang nabiktima ng paputok ay isang taong gulang lamang habang ang pinakamatanda naman ay 80-taong gulang.
Nasa 78 kaso naman ang nagtamo ng eye injuries habang 17 ang nagtamo ng blast/burn injuries na nangailangan ng amputation o pagputol sa bahagi ng katawan. Pinakamarami ang nasugatan sa ulo na nasa 99.
Nananatili pa rin naming isa ang biktima ng stray bullet incident na naitala habang wala pa ring naiulat na fireworks ingestion.
Ang kwitis, boga, 5-star, at fountain pa rin ang mga paputok na pinakamaraming nabiktima ngayong taon.