Nakatakdang magpatupad ang Manila City Government ng liquor ban para sa nalalapit na pagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno sa Enero 9.

Inanunsyo ito ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Martes matapos ang isang banal na misa na idinaos sa Manila City Hall nang bumisita doon ang imahe ng Poong Nazareno.

Sa isang pulong balitaan, sinabi ni Lacuna na ang liquor ban ay iiral simula Enero 7 hanggang Enero 9.

Inaasahang ilalabas ng alkalde ang executive order hinggil sa liquor ban bago matapos ang araw na ito (Martes).

Libreng toll fee sa NLEX,SCTEX at iba pang expressway, ipatutupad sa Pasko at Bagong Taon

Matatandaang sa ikatlong pagkakataon, simula nang magkaroon ng pandemya ng Covid-19, ay sinuspinde muli ng Simbahang Katolika at ng Manila City government ang tradisyunal na Traslacion para sa Black Nazarene.

Layunin nitong maiwasan ang pagkalat ng Covid-19, lalo na at ang naturang okasyon ay dinadagsa ng milyun-milyong deboto ng Nazareno, na mula pa sa iba’t ibang lugar.

Sa halip na Traslacion, magdaraos naman ang Simbahang Katolika ng ‘Walk of Faith’ ngunit hindi kasama dito ang imahe.

Ayon naman kay Fr. Earl Valdez, attached priest ng Quiapo Church, kanselado rin ang tradisyunal na pahalik, ngunit maaari naman aniyang lapitan ng mga deboto ang imahe ng poon.

Samantala, tuloy naman ang iba pang aktibidad para sa pista, kabilang na ang oras-oras na pagdiriwang ng mga banal na misa sa Quiapo Church, gayundin ang banal na misa sa Quirino Grandstand na pamumunuan ng Archdiocese of Manila.