Matagumpay na napigilan ng isang Grab delivery rider ang sana'y drug deal noong Linggo, Enero 1, matapos niyang iulat sa Makati City Police na inatasan siya ng isang Vietnamese national na maghatid ng package na ang laman pala'y ilegal na droga.

Ayon sa ulat ng pulisya, nakatanggap ang rider ng delivery booking mula sa dalawang Vietnamese national sa Lerato Tower sa Malugay St. Barangay Bel Air. Nang matanggap ang parsela, tinanong niya ang mga dayuhan kung ano ang laman ng package na hindi na lang nila pinansin.

Naging dahilan ito sa pag-check ng rider sa laman ng parsela at napag-alamang naglalaman ito ng ilegal na droga.

Agad na nagtungo ang Grab rider sa Station Investigation and Detective Management Office ng Makati City Police Station (SIDMS) at ini-report ang insidente.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Alas-8:05 ng umaga ng araw ding iyon, nagsagawa ng entrapment operation ang mga operatiba laban sa tumanggap ng parsela sa harap ng Island Tower Condominium na matatagpuan sa Salcedo St. corner Benavidez St., Brgy. San Lorenzo.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Nguyen Luong Hai, 30 taong gulang, isang Vietnamese.

Narekober mula sa suspek ang isang pulang eco-bag na naglalaman ng isang box ng face mask kasama ang isang pakete ng sigarilyo, isang plastic na naglalaman ng shabu na nagkakahalaga ng P6,800, at isang Iphone XS Max.

Isang reklamo para sa paglabag sa Sec. 11, Art. II ng R.A 9165 ang inihahanda laban sa naarestong suspek na kasalukuyang nakakulong sa Makati City Police Station.

Jel Santos