Umaabot na sa 36 ang mga paaralan sa Mindanao na napinsala dulot ng mga pag-ulan at pagbaha na hatid ng shear line at low pressure area (LPA), hanggang nitong Disyembre 30, 2022.

Batay sa education cluster report na inilabas ng Department of Education (DepEd) nitong Lunes, nabatid na ang 25 sa mga naturang paaralan ay matatagpuan sa Northern Mindanao, 10 sa Caraga at at isa naman sa Zamboanga Peninsula.

Sa pagtaya ng DepEd, mangangailangan sila ng mahigit P363.50 milyong pondo para sa pagkumpuni at rekonstruksiyon ng mga naturang paaralan na pawang nagtamo ng pinsala.

Ayon naman kay DepEd spokesperson Michael Poa, may walong estudyante ang iniulat na nasugatan dahil sa epektbo ng shear line at LPA habang nasa 2,548 namang iba pa ang na-displace o nawalan ng tahanan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Wala naman aniyang mag-aaral na iniulat na namatay o nawawala dahil sa mga naturang insidente.

Hanggang noong Biyernes naman aniya, nasa 51 paaralan ang ginagamit bilang evacuation centers ngunit maaaring mas mababa na aniya ito hanggang nitong Lunes.

Tiniyak rin naman ni Poa na magkakaloob ang DepEd ng response interventions sa mga apektadong paaralan, mga mag-aaral at personnel.