Pumalo na sa kabuuang 211 ang bilang ng mga nabiktima ng paputok sa bansa sa pagsalubong ng taong 2023.

Ito ay matapos na makapagtala pa ang Department of Health (DOH) ng karagdagang 74 na bagong kaso ng fireworks-related injury (FWRI) mula sa 61 na DOH sentinel hospitals, simula nitong Enero 1, 2023.

Sa datos na inilabas ng DOH nitong Lunes, nabatid na ang naturang kabuuang 211 na mga kaso ng pinsala dulot ng paputok, ay naitala mula alas-6:00 ng umaga ng Disyembre 21, 2022 hanggang alas-6:00 ng umaga ng Enero 2, 2022.

Mas mataas ito ng 16%,kumpara sa naitalang 182 lamang noong nakaraang taon sa sakop na petsa ngunit mas mababa naman ng 30% kumpara sa five-year average na 300 kaso sa kahalintulad na time period.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Anang DOH, sa naturang bilang 102 kaso ang mula sa National Capital Region (NCR), 25 ang mula sa Region 6; 20 ang mula sa Region 3; 13 ang mula sa Region 1; tig-11 ang Calabarzon at Region 5; walo sa Region 2; anim ang mula sa Region 7; lima ang mula sa Region 12; apat ang mula sa Cordillera Administrative Region (CAR); tig-dalawa ang MIMAROPA at Region 11; at tig-isa ang Region 9 at Region 10.Wala namang naitalang nabiktima ng paputok ang Region 8, CARAGA at BARMM.

Ang pinakabatang nabiktima ng paputok ay 11 buwang gulang lamang habang ang pinakamatanda ay 80-taon naman.Nasa 167 naman o 79% ay pawang mga lalaki.

Pinakamarami sa kanila ang nagtamo ng sugat sa kamay na nasa 76 kaso o 36%; habang nasa 59 naman ang nagtamo ng eye injury na nasa 28%.

Nasa 29 naman o 14% ang nasugatan sa hita; 25 o 12% ang nasugatan sa ulo habang 23 o 11% ang nasugatan sa punong braso.

Nasa 11 naman o 5% ang kinailangang putulan ng bahagi ng katawan dahil sa tinamong blast/burn injuries.

Nabatid naman na ang kwitis, na isang legal firework, ang pangunahing sanhi nang pagkasugat ng mga biktima, matapos na makapagtala ng 45 kaso o 21%.

Sumunod ang boga na nakapambiktima ng 27 kaso o 13%; 5-star na nakapagtala ng 19 kaso o 9% habang anim ang nabiktima ng fountain at anim pa ang nabiktima ng di natukoy na paputok, o nasa tig-6%.

Wala pa rin namang naitalang insidente ng fireworks ingestion ang DOH at wala pa ring naiulat na kaso ng pagkasugat dahil sa ligaw na bala.