Mahigit na sa 11 milyon ang nairehistro na subscriber identity module (SIM) cards mula nang umpisahan ang pagsasagawa nito noong Disyembre 27, 2022, ayon sa pahayag ng National Telecommunications Commission (NTC) nitong Lunes.

Sa pahayag ng NTC, nasa1,017,012 ang naitala ngDITO Telecommunity, Globe Telecom (5,030,649) habang ang Smart Communications ay nakapagtala ng 5,172,061 o kabuuang 11,219,722.

Sa ilalim ng Republic Act 11934 (SIM Card Registration Act) na naglalayong pigilan ang mga kaso ng text scam,kailangang iparehistro ng mga Pinoy ang kanilang pagkakakilanlan sa Public Telecommunications Entity (PTE) bago magamit ang SIM card.

Alinsunod na rin sa Implementing Rules and Regulations (IRR) ng NTC, ang registration ay isasagawa sa pamamagitan ng electronic platforms na ibibigay ng PTE.

National

Dr. Edsel Salvana, nakatanggap ng 'Innovation Excellence Award for Research' mula sa PhilDev

Kailangan ng mga subscribers na magharap ng anumang valid government-issued ID na nagtataglay ng kanilang larawan. Hihingin din ang kanilang live selfie bilang proof of life, buong pangalan, petsa ng kapanganakan, kasarian, lugar ng tirahan, uri ng ID na ipinakita at ang numero nito.

Lahat ng uri ng prepaid at postpaid SIM cards ay kailangang iparehistro sa PTEs, pati na ang mga embedded SIMs o eSIMs na hindi natatanggal sa mobile device ng subscriber. Dagdag pa rito, lahat ng existing SIM cards ay babalik sa ‘deactivated mode’ hangga’t hindi pa ito naipaparehistro. 

Binibigyan lang ng 180 araw ang mga subscriber upang hindi ma-deactivate ang kanilang SIM card.

Matatandaang sa unang bugso ng registration, naguluhan ang mga subscriber dahil hindi nila magamit ang registration sites ng mga PTE kaya pinagsusumite sila ng report ng NTC.