Nakakulong na ngayon ang isang pulis na nakatalaga sa Camp Crame sa Quezon City matapos barilin ang dalawang lalaki habang ito ay nasa impluwensya ng alak sa Cabanatuan City, Nueva Ecija nitong Enero 1.
Ang suspek ay kinilala ng pulisya na si Patrolman Andres Quibuyen, taga-Purok 7, Barangay Aduas Centro, Cabanatuan City at nakatalaga sa Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) sa Philippine National Police (PNP) headquarters sa Quezon City.
Isinugod naman sa Paulino J. Garcia Memorial Hospital ang dalawang biktima na sinaArapat Pandodum, 26, at Salman Mama, 28, dahil sa sugat sa katawan.
Sa paunang imbestigasyon ni Police Staff Sergeant Giovanni Macayanan, may hawak ng kaso, ng Cabanatuan City Police Station, nasa impluwensya umano ng alak ang suspek nang barilin nito sina Pandodum at Mama nitong Bagong Taon.
Inaalam pa ng pulisya ang motibo sa pamamaril.
Nitong Lunes, isinampa na sa City Prosecutor's Office ang kasong 2 counts ng frustrated homicide laban kay Quibuyen.
Wala pang pahayag si PNP chief, Lt. Gen. Rodolfo Azurin, Jr. kaugnay sa insidente.