Hindi pinalampas ni Kapuso comedy star Michael V ang aniya’y “nagpapa-cool at naggagaling-galingang mga ignoranteng bashers” kasunod ng trending at viral na full trailer ng “Voltes V: Legacy” ng GMA Network.
Kabilang ang aktor at komedyante sa maraming fans ng classic Japanese anime sa mga nalula na sa husay na ng live action trailer comeback nito sa Philippine TV.
“Kinilabutan” sa ganda ang comedy star sa aniya’y pagbabalik sa reyalidad ng kaniyang childhood hero.
“I know, nag-express na ‘ko ng excitement ko sa previous post ko pero this trailer got me more excited than ever! Nabasa ko rin ‘yung mga comments n’yo and I’m glad na maraming nag-a-agree especially ‘yung TOTOONG FANS ng V5,” aniya sa isang Facebook post ngayong Linggo.
Hindi nanan pinalampas ng Kapuso star ang bashers ng bagong proyekto ng Kapuso network.
“Kung hindi talaga kayo fan, wala nang magpapasaya sa inyo kahit sino at kahit kailan. Marami pa rin ang mga nagpapanggap at hindi matanggap na kaya nang gawin ‘to ng network with the right tools, right people and a ton of passion,” direktang pasaring ni Bitoy.
Sa huli, positibo naman agad ang rebyu ni Bitoy sa trailer pa lang ng Voltes V.
“Basta ako, sa trailer pa lang na ‘to SOLD na ako! Kudos kay Direk Mark Reyes, sa cast, sa animators and everyone involved sa production ng Voltes V: Legacy! You made me travel back to my childhood and relive a feeling that has long been waiting to be rekindled. I’m looking forward to that feeling in every episode,” anang komedyante.
“To all the fans and the bashers, this show is for you! Wala kahit isa sa inyo ang p’wedeng magnakaw ng saya na naramdaman ko nu’ng napanood ko ‘to,” pagtatapos niya.
Milyun-milyon na ang pinagsamang views ng full trailer matapos ilabas nitong pagsalubong ng taong 2023.
Ang Voltes V: Legacy ang pinakamagarbong live adaptation project sa kasaysayan ng GMA Network, anang fans.