Nakumpiska ng mga tauhan ng Malabon City Police Station (MCPS) ang kabuuang P16,184,000 halaga ng umano'y shabu at naaresto ang isang lalaki sa buy-bust operation sa Barangay Tugatog, Malabon City noong Sabado, Disyembre 31.

Kinilala ng MCPS ang suspek na si Noel Herrera, 56, residente ng Barangay Niugan, Malabon City. .

Sinabi ng pulisya na isinagawa ng mga operatiba ng MCPS-Station Drug Enforcement Unit sa pangunguna ni Lt. Alexander Dela Cruz ang entrapment laban kay Herrera sa kahabaan ng Pureza St., Brgy. Tugatog alas 2:30 ng madaling araw ng Sabado.

Nakuha sa suspek ang isang eco-bag na naglalaman ng dalawang kilo at 380 gramo ng umano’y shabu na nagkakahalaga ng P16,184,000, digital weighing scale, driver’s license, at ang buy-bust money.

National

Diokno, De Lima, makatutulong sa prosekusyon hinggil sa impeachment vs VP Sara—SP Chiz

Dinala ang mga nakumpiskang ebidensya sa Northern Police District Forensic Unit sa Caloocan City para sa pagsusuri. Nakakulong ngayon ang suspek sa MCPS Custodial Facility.

Si Herrera ay kakasuhan ng paglabag sa Section 5 (Sale, Trading, Administration, Dispensation, Delivery, Distribution, and Transportation of Dangerous Drugs and/or Controlled Percursors and Essential Chemicals) at Section 11 (Possession of Dangerous Drugs), Article II ng Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, sabi ng pulisya.

Aaron Homer Dioquino