Usap-usapan ngayon ang pagsampal ng award-winning actress na si Sunshine Dizon sa sikat na social media personality na si Toni Fowler, na mapapanood sa vlog nito.
Pero don't worry dahil in good terms naman sila at walang sigalot sa pagitan nila. Ito ay bahagi ng prank ng kapatid ni Toni at Sunshine kay Mama Oni---na nagpa-prank naman din kay Sunshine!
Hindi inaasahan ni Toni na siya na pala ang pina-prank ng kaniyang kapatid at ng aktres.
Walang kaalam-alam si Toni na kinausap pala ng kaniyang Ate Marie si Sunshine para i-reverse prank ang vlogger at ‘sampalin’ umano ito.
Noong una ay nagdalawang-isip si Sunshine subalit ipinaliwanag ni Marie na noon pa man, pangarap na ni Toni na makaranas ng sampal mula sa mahusay na aktres.
Ayon kay Marie, sa prank na gagawin nila ni Toni ay gusto raw nitong makita kung ano ang magiging reaksiyon ni Sunshine sa kunwaring pag-aaway nilang magkapatid sa harapan nito.
Maya-maya, nagsimula na nga ang prank nina Toni at Marie sa harapan ni Sunshine. Maya-maya, umawat na ang aktres sa mainit na balitaktakan ng dalawa. Dito ay sinita ni Toni si Sunshine kung bakit ito nakikisawsaw sa usapan gayong hindi naman nila ito kaano-ano.
Kunwari naman ay nagpanting ang tenga ni Sunshine sa sinabi ni Toni kaya pinatikim niya ito ng sampal, kagaya ng ginagawa nito sa mga markadong teleseryeng kinabilangan niya.
Kitang-kita naman sa mukha ni Toni ang "pagkayanig". Hindi siya makapaniwalang ginawa iyon ni Sunshine sa kaniya.
Dito ay ibinunyag na nina Marie at Sunshine ang reverse prank nila kay Toni.
Tuwang-tuwa naman ang mga netizen sa kanilang vlog na napanood.