Kinumpirma ng East Avenue Medical Center (EAMC) nitong Sabado na nakapagtala na sila ng unang kaso na nasabugan ng paputok.
Sa panayam sa telebisyon, ipinaliwanag ni EAMC spokesperson Dr. John Paul Ner na isang babae ang nasabing pasyente.
Nagkaroon aniya ng malaking paso sa mukha ang babae at nadamay pa ang mata nito.
“Mayroon na kaming first case namin last night. It happened around 11:45 p.m. Sinindihan siya at pagkababa niya, biglang pumutok. May tama sa mukha and braso ang biktima," sabi ni Ner.
Sa kabuuan, nakapagtala na ang Department of Health (DOH) ng 41 fireworks-related injuries mula Disyembre 21 hanggang nitong Disyembre 30, mataas ng 52 porsyento kumpara sa naitala sa kaparehong panahon nitong nakaraang taon.
Kaugnay nito, tiniyak na ni Ner na handa na ang kanilang ospital para sa pagdiriwang sa pagsalubong sa Bagong Taon.