Nakahanda ang mga pribadong ospital sa posibleng pagtaas ng admission ng mga pasyenteng may firecracker-related injuries kasabay ng pagdiriwang ng Bagong Taon, ayon sa isang health expert.
Sinabi ni Private Hospitals Association of the Philippines Inc. (PHAPi) President Dr. Jose Rene De Grano, sa isang panayam sa telebisyon, maging ang mga pribadong ospital sa buong Pilipinas ay nasa "high alert" na ngayon para sa mga emergency na may kinalaman sa paputok sa gitna ng holiday festivities.
“Hindi basta-basta ang mga injuries [na gaya nito, lalo na] ngayon parang lumabas ulit yung mga malalakas na paputok,” sabi ni De Grano sa isang panayam sa DZBB noong Biyernes, Disyembre 30.
Nang tanungin kung bakit hindi dapat balewalain ang mga pinsalang tulad nito, sinagot ni De Grano na ang mga paputok ay naglalaman ng mga nakakalason na kemikal. Kaya naman, kapag ang isang paputok ay nakapinsala sa isang tao, ang mga nakakapinsalang reaksyon ay hindi maiiwasang mangyari.
Kung hindi natin ginagamot o nililinis ito, maaari tayong magkaroon ng impeksyon o makakuha ng tetanus at mapanganib iyon,” dagdag ni De Grano, ar inulit na ang ilang mga kaso ay maaaring nakamamatay.
Ang panganib na dulot ng paputok ay hindi lang bunsod sa mga nakamamatay na mga pinsala nito. Maging ang usok, ayon sa health expert, ay maaaring makapinsala rin sa mga tao.
“Isa pa ‘yan, especially sa mga maseselan ang lungs o may asthma. Delikado ‘yan. Very sensitive sila sa mga toxic gas o fumes na inilalabas ng mga firecrackers,” he furthered.
Sakaling magkaroon ng emergency, pinayuhan ng health expert ang publiko na agad na linisin ng tubig at sabon ang sugat dahil sa paputok. Pagkatapos, binigyang-diin ni De Grano ang pangangailangang dalhin ang pasyente sa pinakamalapit na pagamutan upang magamot sa lalong madaling panahon.
Charlie Mae Abarca