Ilang oras na lamang at sasalubungin na ng lahat ang taong 2023. At siyempre, hindi na mawawala riyan ang iba't ibang mga tradisyon o matandang kaugalian sa pagdiriwang nito, pagpitada ng alas-dose ng hatinggabi. Ano-ano nga ba ang 10 bagay na madalas ginagawa ng mga Pilipino sa tuwing sasapit ito?
Maghanda ng salusalo sa Media Noche. Umaga pa lamang Disyembre 31, lahat ay abala na sa pag-iisip kung ano ang ihahanda para sa Media Noche, o katumbas ng Noche Buena tuwing bisperas ng Pasko. Hindi naman kailangang marami o marangya; ang mahalaga, may mapagsalu-saluhan ang buong miyembro ng pamilya, o kung may bisita man.
Sa pagpili naman ng pagkain, iniiwasan ang pagluluto ng anumang putaheng may kinalaman sa manok. May paniniwalang magiging "isang kahig, isang tuka" raw ang buong taon. Sa kabilang handa, naghahanda naman ng mga pagkaing malalagkit at mahahaba kagaya ng kakanin, pansit, spaghetti, palabok, carbonara, at iba pa, upang mas humaba at lumagkit pa ang mga relasyon at pagsasama, at mas humaba pa ang buhay.
Paghahanda ng 12 klase ng bilog na prutas at idini-display sa hapag-kainan
May paniniwalang ang mga bilog na prutas ay nag-aanyaya ng pagdating ng salapi sa isang sambahayan dahil sa hugis nitong kagaya ng barya o pera. Kailangang makabuo ng 12 uri ng bilog ng prutas, kaya naman mabenta riyan ang orange o ponkan, longgan o kiat-kiat, chiko, kaimito, pinya, melon, pakwan, peras, ubas, kalamansi, kamatis, at iba pa.
Paglalagay ng mga isinasabit na pampasuwerte o dekorasyon sa bahay
Batay na rin sa "Feng Shui", may mga nabibiling dekorasyon o palamuti sa bahay na maaaring magdala ng suwerte sa sambahayan, na kadalasang isinasabit sa pinto o bintana. Ang iba, naglalagay ng mga itlog ng manok sa isang tray kasama pa ng mga golden chocolate na hugis-barya. Ang iba ay naglalagay pa ng "money tree" sa harapan ng pinto.
Pinupuno ang lahat ng mga lalagyanan o sisidlan
Kung kaya naman ng budget, marami sa mga Pilipino ang nagpupuno sa kani-kanilang mga lalagyanan, tapayan, bote, container, o basyo gaya ng asin, mantika, toyo, suka, asukal, bigas, de-lata, at iba pa, upang maging masagana raw ang buong taon. Ang mga pitaka naman ay nilalagyan ng mga barya o bills.
Pagbibihis ng damit na may palamuti o dibuhong "polka dots" o bilog-bilog
Sa pagsapit ng alas-dose ng gabi, kailangang magsuot ng mga damit na may "polka dots" na representasyon ng mga barya o pera, upang maging maganda umano ang pagpasok ng pera sa bahay.
Pagpapaagaw ng barya o pera
Ang ilan ay naghahagis ng barya o pera sa loob ng kabahayan o sa kalsada upang magpaagaw. Nakatutulong umano ito upang maging "dagsain" ng iba't ibang oportunidad na pagkakakitaan, at maging maayos ang pagpasok ng pera sa bahay.
Pagtalon ng mga bata upang tumangkad pa
Sinasabing tatangkad pa raw ang mga batang tatalon o lulundag pagsapit ng alas-dose ng hatinggabi.
Pagbabayad ng utang
Kailangan umanong bayaran na ang utang na kinuha sa papaalis na taon upang walang iniisip na problema na may kinalaman sa pera.
Paglalagay ng pera sa bulsa
Ang pagbibilang ng perang papel sa harapan ng pintuan ay pinaniniwalaang makapagbibigay ng magandang pasok ng pera sa buong taon, gayundin ang paglalagay ng barya sa bulsa at pag-aalog nito.
Pag-iingay, pagpapailaw, at pagpapaputok
At siyempre, hindi kumpleto ang pagsalubong sa Bagong Taon kung walang mga ingay na likha ng paputok at pampailaw subalit siguraduhin lamang na ligtas ang paggamit nito. Nais nating salubungin ang Bagong Taon na kumpleto pa ang mga bahagi ng ating katawan, o ligtas ang ating sarili, mga mahal sa buhay, at kapitbahay.Kung wala namang paputok o pampailaw, puwede nang gumamit ng torotot, mga kasangkapan sa bahay gaya ng kawali, kaldero, kaserola, sandok, at iba pang mga gamit na nakalilikha ng ingay, o kaya naman ay busina ng sasakyan. Puwede na ring magpatugtog nang malakas. Ginagawa ito upang mabulahaw umano ang masasamang elemento at maitaboy ang malas.
Kasama na rin dito ang pagbati sa lahat ng "Happy New Year!"
Ilan lamang ito sa mga pamahiin o tradisyong patuloy na umiiral sa kulturang Pilipino sa tuwing sasapit ang pagsalubong sa Bagong Taon. Nasa atin na ito kung maniniwala o susundin natin ito. Hindi naman dito nakasalig ang "suwerte" o "malas" ng isang tao.
Tumawag, lumapit at patuloy lamang tayong manalig sa Dakilang Lumikha dahil paniguradong Siya lamang ang nakababatid sa mga mangyayari at kahihinatnan ng ating buhay.