Kahit na may panibagong Covid-19 surge sa China, naniniwala ang Department of Health (DOH) na hindi pa napapanahon ang pagpapatupad ng mas istriktong panuntunan para sa mga turistang dumarating dito sa Pilipinas mula sa China.
Ang pahayag ay ginawa ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire kasunod ng rekomendasyon ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista nitong Miyerkules na dapat nang isailalim sa RT-PCR tests ang mga bisitang mula sa China, bunsod na rin ng panibagong Covid-19 surge sa naturang bansa.
Ipinaliwanag naman ni Vergeire na nasa mas magandang posisyon na ang Pilipinas sa ngayon kaugnay sa pagharap sa banta ngCovid-19.
“Sa ngayon, base sa pananaw ng DOH, kasama ng aming mga eksperto, hindi pa ho tayo napapanahon o wala tayong nakikitang pangangailangan para magsara tayo ng borders to this specific country o 'di kaya ay magkaroon ng mas maigting na restrictions para sa bansang ito,” aniya pa sa isang pulong balitaan nitong Huwebes.
Tiniyak rin naman ni Vergeire na patuloy na nagpapatupad ang bansa ng mahigpit na surveillance at monitoring sa mga pasahero at ang mga biyahero na hindi bakunado ay kinakailangang isailalim sa antigen test.
Siniguro rin naman ni Vergeire na kumpiyansa pa rin sila sa ngayon na sapat ang ginagawa nilang pagbabantay sa mga borders ng bansa sa pamamagitan ng mga naturang polisiya.
“Sa tingin natin, kumpiyansa pa rin tayo sa ngayon that we can adequately guard our borders through these kind of policies that we have in the country," aniya pa.
Kaugnay nito, iniulat rin naman ni Vergeire na ang karamihan sa mga Pinoy na eligible para saCovid-19jabs ay fully vaccinated na.