Magandang balita para sa train commuters dahil maghahandog rin ang pamunuan ng Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3) ng libreng sakay ngayong Rizal Day, Disyembre 30, Biyernes.

Sa abiso ng MRT-3, nabatid na ang libreng sakay ay handog nila para sa lahat ng kanilang mga pasahero sa paggunita ng araw ng pambansang bayani na si Dr. Jose Rizal.

Maaari anila itong i-avail ng mga train commuters mula alas-7:00 ng umaga hanggang alas-9:00 ng umaga at mula alas-5:00 ng hapon hanggang alas-7:00 ng gabi.

“Ipagdiriwang sa nasabing araw ang ika-126 na anibersaryo ng pagkamartir ng pambansang bayani na si Gat Jose Rizal. Ang selebrasyon ay may temang, Rizal: Alaalang Iningatan, Yaman Ngayon ng Bayan,” anang MRT-3.

Metro

Hinahanap daw ang anak: Lolo na may Alzheimer’s nahulog sa creek, nalunod!

“Ang LIBRENG SAKAY ay bilang pakikiisa ng MRT-3 sa paggunita ng Araw ni Rizal. Nawa ang kanyang sakripisyo ay manatiling buhay sa ating diwa at patuloy na magsilbing inspirasyon sa atin upang gumawa ng mabuti para sa kapwa at bayan,” ayon naman kay MRT-3 General Manager Engr. Federico J. Canar, Jr..

Samantala, tiniyak ng MRT-3 na magpapatuloy ang mahigpit na pagpapatupad ng health and safety protocols sa buong linya, na tinatawag na "7 Commandments" upang maiwasan ang COVID-19: 1) Laging magsuot ng face mask at boluntaryo ang pagsusuot ng face shield; 2) Bawal magsalita at makipag-usap sa telepono; 3) Bawal kumain at uminom; 4) Panatilihin ang maayos at sapat na ventilation sa mga PUV; 5) Laging magsagawa ng disinfection; 6) Bawal sumakay ang mga pasaherong mayroong sintomas ng COVID-19 sa pampublikong transportasyon; at 7) Sundin ang panuntunan sa appropriate physical distancing.

Ang MRT-3 ay bumabagtas sa kahabaan ng EDSA, mula Taft Avenue, sa Pasay City hanggang sa North Avenue, sa Quezon City.

Nauna nang nag-anunsiyo ang pamunuan ng Light Rail Transit Authority (LRTA) na magpapatupad sila ng libreng sakay sa Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) para sa kanilang mga parokyano sa Rizal Day.