Anim na katao ang kumpirmadong patay habang apat na iba pa ang nasugatan sa isang sunog na sumiklab sa isang residential area sa Quiapo, Manila nitong Huwebes ng umaga.

Habang isinusulat ang balitang ito ay hindi pa naglalabas ang Bureau of Fire Protection (BFP) ng listahan ng mga pangalan ng namatay sa sunog, gayundin ng mga nasugatan dito.

Gayunman, una nang napaulat na kabilang sa mga nawawala sa sunog ay ang kambal na sina Cheska Celine at Cheska Camille Perio, kapwa 12-anyos; ang mag-asawang sina Jofae Mae Perio at Rol Daniel Cayetano at anak nilang si Ronan Cyrus Cayetano; at isa pang 'di pa pinangalanang indibidwal.

Batay sa ulat ng BFP, dakong alas-2:34 ng madaling araw nang sumiklab ang sunog sa isang apat na palapag na residential structure na matatagpuan sa 1003 Labor Compound, sa Arlegui St. sa Quiapo.Pagma-may-ari umano ito ng isang alyas ‘Poklat’ at inookupa ng mga pamilya Perio at Floralde.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Iniakyat ang sunog sa ikatlong alarma, ganap na alas-2:50 ng madaling araw.

Naideklara itong under control dakong alas-4:15 ng madaling araw, bago tuluyang naapula pagsapit ng alas-8:10 ng umaga.

Ayon sa ina ng kambal na si Lalaine, natutulog ang kanyang mga anak sa tahanan ng kanyang nanay nang sumiklab ang sunog.

Tinangka umanong iligtas ng lola ang kanyang mga apo ngunit bigla na lang umanong sumabog ang tangke ng liquefied petroleum gas (LPG).

“Nanggaling din sa baba ng tinitirhan nila 'yung apoy. So parang na-steam na sila doon. Noong kinukuha na sila ng mother ko para ma-save ay sumabog na yung super kalan,” kuwento ni Lalaine.

Kinumpirma niya na bukod sa kanyang kambal na anak, nawawala rin sa sunog ang kanyang kapatid, gayundin ang asawa at anak nito.

Ayon sa BFP, nasa 50 tahanan ang nadamay sa sunog at humigit kumulang sa 500 pamilya ang naapektuhan nito.

Inaalam pa ng mga otoridad ang pinagmulan ng sunog, na tinatayang tumupok sa may P5 milyong halaga ng mga ari-arian.