Nagbabala nitong Miyerkules ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa inaasahang matinding trapiko sa Metro Manila pagkatapos ng holiday season.
Sa isang televised briefing, binanggit ni MMDA deputy chairperson Frisco San Juan, Jr., mararamdaman ang mas matinding traffic sa Enero 3 dahil may pasok na sa mga opisina at paaralan.
Nakikipag-usap na aniya sila sa Department of Transportation (DOTr), Department of Public Works and Highways (DPWH), at sa mga pribadong kumpanya ng bus kaugnay sa usapin.
"Ang buhos ng sasakyan syempre sa darating na Martes sapagkat sa Lunes ay holiday po, walang pasok ang mga opisina ng pamahalaan. Simula naman ng pasok ng mga private companies at saka ibang mga eskwelahan ay magsisimula sa January 3," sabi ni San Juan.
"Nakahanda na tayo dyan dahil taun-taon 'yan ay pinaghahandaan,” sabi pa ng opisyal.
Idinagdag pa ng opisyal na halos 500,000 sasakyan na ang dumadaan sa EDSA araw-araw kumpara sa naitala bago pa magkaroon ng pandemya sa bansa.