Nakatakda nang magtapos sa Sabado, Disyembre 31, ang 24/7 Libreng Sakay sa EDSA Bus Carousel, na programa ng Department of Transportation (DOTr) at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).

Sa abiso ng DOTr at LTFRB, nabatid na pagsapit ng Enero 1, 2023 ay may bayad na ang pagsakay sa EDSA Carousel.

“Simula ika-1 ng Enero 2023 ganap na alas-5 ng umaga (5am) ay may bayad na ang pamasahe mula PITX hanggang Monumento (vice versa),” anang LTFRB sa isang Facebook post. 

Iniulat rin nito na umabot na sa 80,832,186 pasahero ang nakapag-avail ng libreng serbisyo ng Carousel hanggang noong Disyembre 26.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Samantala, nasa 87 operators at 751 public utility vehicles (PUVs) ang nakiisa sa programa.

Matatandaang simula Disyembre 1 ay nagpatupad ang DOTr ng 24/7 free rides sa carousel bilang antisipasyon sa Christmas rush.

Sa kabilang dako, tiniyak naman ni Transportation Secretary Jaime Bautista nitong Miyerkules na ipagpapatuloy nila ang pagpapahusay sa serbisyo ng EDSA Busway para sa riding public.

“The DOTr will continue to improve the services and infrastructure of the EDSA Busway. The EDSA Busway must conform to international standards. There’s a lot to do here,” ani Secretary Bautista, sa isang pahayag, nang pangunahan niya ang pagbubukas ng Tramo Station ng EDSA Busway.

Ang Tramo Station ay ang ikaapat na EDSA Busway station na binuksan simula noong Hulyo 1, 2022.

“As more passengers being catered by the busway system, we need to improve its efficiency,” aniya pa.

Sinabi rin ni Bautista na sa 2023 ay pinaplano nilang isapribado ang operasyon ng carousel.