Iniulat ng Department of Health (DOH) nitong Martes na nakapagtala sila ng 45% na pagtaas sa mga kaso ng trangkaso o flu cases sa bansa ngayong taon.

Sa datos na inilabas ng DOH, nabatid na umaabot sa 114,278 ang mga kaso ng trangkaso na kanilang naitala mula Enero 1, 2022 hanggang Disyembre 3, 2022.

Ito anila ay mas mataas ng 45% kumpara sa 78,550 lamang na kaso na naitala sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon.

Base sa pinakahuling surveillance report ng DOH, nasa 32,778 o 29% ng mga kaso ng influenza-like illness (ILI) ay dumapo sa mga batang nasa 1-4 taong gulang lamang.

National

50.78% examinees, pasado sa Nov. 2024 Licensure Exam for Agriculturists

Mayroon rin umano silang naitalang 446 ILI-related deaths ngayong taon o may case fatality rate (CFR) na 0.4%.

Nabatid na noong 2021, nakapagtala sila ng 955 deaths dahil sa ILI, o may CFR na 1.2%.

Pinakamarami umanong naitalang kaso ng trangkaso sa Davao Region na nasa 23,177; Northern Mindanao na nasa 17,283; Central Visayas (12,151) at Calabarzon na nasa 10,922.

Kaugnay nito, nagpaalala si DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire sa mga Pinoy na huwag ipagwalambahala ang trangkaso, lalo na at ang mga sintomas nito ay halos kahalintulad ng Covid-19.

Sakali aniyang makaranas ng mga sintomas ng trangkaso gaya ng lagnat, ubo, runny nose, pananakit ng ulo at pagkapagal ng katawan, ay kaagad nang mag-isolate at tumawag sa mga local health facilities upang magpasuri.

“Nagpapaalala tayo sa ating mga kababayan, ang mga sintomas po ng trangkaso o tinatawag nating flu is almost the same as Covid-19,” aniya sa isang press briefing.

“Mag-isolate. Tumawag sa local health facilities para mapa-test, para malaman kung ito ay simpleng trangkaso lang o may Covid na tayo,”