Patuloy na nagpapahirap sa maraming mamimili sa gitna ng holiday season ang pagtaas ng presyo ng pulang sibuyas, na pumalo na nga sa P500 kada kilo ngayong linggo ng Pasko.

Para maibsan ang pag-inda ng mga konsyumer, tinitingnan ngayon ng Department of Agriculture (DA) ang mga dagdag na interbensyon sa supply chain para mapababa ang presyo ng pulang sibuyas, na mayroon nang farm gate price na P300 kada kilo at ibinebenta sa mas mataas na presyo kapag inihatid sa Metro Manila sa pamamagitan ng isang ahente, ibinunyag ni DA Deputy Spokesperson Rex Estoperez.

“We have to address that also, kung papaanong intervention ang gagawin ng Department of Agriculture sa production areas,” ani Estoperez sa isang press briefing kamakailan.

“Tinitingnan natin kung saan tayo nagkukulang, even though alam natin there are imperfections sa sistema natin… May mga kailangan tayong intervention, lalong-lalo na doon sa atin pong value chain," pagpapatuloy niya.

National

Magnitude 4.3 na lindol, tumama sa Davao Occidental

Sa kasalukuyan, ang mga opisyal ng agrikultura ay tumitingin sa mga interbensyon tulad ng kredito para sa mga magsasaka, tulong sa logistik at transportasyon, tulong sa mga cold storage at packaging, bukod sa iba pa. Kung mapapansin, batay sa kamakailang pagsubaybay sa DA, ang mga pulang sibuyas ay ibinebenta mula P480 hanggang P520 sa ilang pamilihan.

Sa pagdidiin sa pangangailangan ng interbensyon, ani Estoperez, “The same is true with gulay, iyong mga gulay doon sa atin pong Mountain Province, sa Benguet, 'pag hindi ma-improve ito, including yung resiliency natin sa climate change, hindi natin maa- address ito, patuloy na mangyayari ito.”

Habang wala pa ring tinatayang ani ng sibuyas para sa 2023, pinanindigan ng opisyal na may sapat na suplay ng sibuyas ang bansa at hindi pa isinasaalang-alang ng ahensya ang pag-aangkat.

Ang ilang mga magsasaka, gayunpaman, ay tumatangging magtanim ng mga sibuyas sa "libong ektarya" dahil sa mataas na halaga ng produksyon at potensyal na pagkalugi sa tag-ulan.

Jel Santos