Isa sa mga napag-usapan nina Cristy Fermin at Romel Chika sa kanilang showbiz-oriented radio program na "Cristy Ferminute" ang umano'y mababang sales ng tickets sa pelikulang "My Teacher" nina Toni Gonzaga at Joey De Leon, na idinerehe ng mister ng TV host na si Direk Paul Soriano.
Anila, marami raw ang umuurot at naghahanap ngayon sa milyon-milyong subscribers at followers ni Toni Gonzaga sa kaniyang social media account. Nahaluhan na naman ng bahid-politika ang labanan ng mga pelikula lalo't ang nangunguna ngayon sa takilya ay ang "Partners in Crime" nina Vice Ganda at Ivana Alawi, na parehong Kakampink.
Bakit hindi raw yata nag-translate sa pagsuporta sa pelikula ni Toni ang pagsuporta ng mga bumoto kina Pangulong Bongbong Marcos at Pangalawang Pangulong Sara Duterte noong nagdaang halalan.
Hinahanap daw ng mga netizen ngayon ang kaniyang milyon-milyong subscribers at followers sa YouTube. Sey naman ni Cristy, baka sa mga susunod na araw pa bumawi ang mga tagasuporta ni Toni at baka abala lamang sa kanilang mga ginagawa.
Isa rin daw sa dapat abangan ay ang resulta ng "Gabi ng Parangal" dahil kadalasan daw, kung anong pelikula ang humakot ng mga parangal at pagkilala, ay umuungos din kahit paano ang lakas sa takilya.