Hiniling ng Department of Health (DOH) kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na palawigin pa ang state of calamity sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic.

Sinabi ni DOH Officer-in-Charge Maria Rosario Vergeire na inilapag nila ang kahilingang ito matapos ang hindi maaprubahan sa itinakdang panahon ang panukala para sa paglikha ng Philippine Center for Disease Prevention and Control (CDC).

"Nagsumite na kami ng aming memo para sa Pangulo na humihiling ng extension ng state of calamity bilang pagsasaalang-alang sa katotohanan na ang CDC bill ay hindi naisabatas sa oras," sabi ni Vergeire sa isang press briefing noong Martes, Disyembre 27.

Kung susumahin, papayagan ng CDC bill ang pagpapatuloy ng pagtugon sa Covid-19 ng bansa kahit na walang deklarasyon ng state of calamity. Nakatakdang mag-expire ang Covid-19 state of calamity sa Disyembre 31.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Sinabi ni Vergeire na napag-usapan na nila ang kanilang rekomendasyon sa Office of the Presidential Management Staff at iba pang kinauukulang ahensya noong Disyembre 23 "upang ipaliwanag sa kanilang lahat kung bakit namin hinihingi ang extension na ito."

“So, hinihintay na lang natin ang opisyal na tugon ng Office of the President in terms of this memo na isinumite natin sa kanila,” ani Vergeire.

Binanggit ng opisyal ng DOH ang “implications” na maaaring mangyari kapag hindi na palalawigin ang state of calamity.

"Mawawala tayo sa iba't ibang diskarte sa pagtugon na ginagawa natin ngayon. Dahil una, ang ating Covid-19 vaccination program ay naka-angkla sa state of calamity provision ng batas. Kaya pag nawala iyon, baka mahirapan tayo na magpatupad ng pagbabakuna natin ng Covid-19,” aniya pa.

“Yung emergency use authority na ibinibigay natin sa ating mga bakuna pati sa mga gamot na ginagamit natin ngayon for Covid-19—we will also have issues on that. Also yung ating mga indemnification and immunity from liability na nakasaad sa batas ay baka mahirapan din tayo,” dagdag pa ng opisyal.

Noong Marso 2020, nilagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Proclamation No. 929 na nagdedeklara ng state of calamity sa Pilipinas dahil sa Covid-19 sa loob ng anim na buwan. Mula noon, pinalawig ang panahon ng state of calamity.

Batay sa datos ng DOH, nasa kabuuang 73.7 milyong Pilipino na ang ganap na nabakunahan laban sa Covid-19. Ang gobyerno ay nakapagbigay na ng 21.1 milyong booster shot sa mga karapat-dapat na indibidwal.

Analou de Vera