Sa loob ng 365 na araw ng taong 2022, hindi nawala o naiwasan na balutin ng kilabot ang Pilipinas dahil sa mga kagimbal-gimbal na krimeng nangyari sa bansa—mula sa kwentong kidnap, panggagahasa, hanggang sa pagpatay. Basahin ang special report ng Balita Online hinggil sa karumal-dumal na krimen na nangyari ngayong taon.

Naging katakot-takot ang taong 2022 para sa mga kababaihan dahil sa pagtaas ng bilang ng kasong rape at sunod-sunod na kidnapping sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Ilang mga magulang din ang naalarma kaya mas pinaghihigpitan nila na lumabas at gumala ang kanilang mga anak.

ANG PAGGAHASA AT PAGPASLANG KAY JOVELYN GALLENO

Tila’y naging isang misteryo ang pagkawala ng B.S. Criminology graduating student na si Jovelyn Galleno, matapos itong pumasok sa kaniyang trabaho sa loob ng isang sikat na mall sa Puerto Princesa City, Palawan. Sa CCTV footage ng mall, makikitang pumasok si Jovelyn noong Agosto 5, ngunit kataka-takang hindi nakuhanan ang paglabas nito sa alinmang exit points. Dahil dito, muling naungkat ang 80’s urban legend tungkol sa ‘taong ahas’ na nasa ilalim ng mall.

Human-Interest

ALAMIN: Pagbibigay ng 13th month pay sa mga empleyado, paano nagsimula?

Ngunit sa ilang araw ng masusing imbestigasyon ng pulisya, lumabas na pinsang buo pala ng dalaga ang suspek.

Natagpuang bungo at kalansay na ang bangkay ng dalaga noong Agosto 23.

Pag-amin ng mga suspek na si Leobert Dasmariñas at kasama nitong si Jovert Valdestamon, ginahasa muna bago pinatay at sinunog ang dalaga.

Ika-31 ng Agosto, kumuha ng sample ng kalansay ang National Bureau of Investigation (NBI) Forensic Manila upang suriin kung labi nga ba ito ni Jovelyn. Ikinagulat naman ng pamilya Galleno ang resulta ng isinagawang deoxyribonucleic acid (DNA) test na 99.99% na kumpirmadong bangkay nga ni Jovelyn ang natagpuan.

May muling ibinunyag naman ang mga suspek na binayaran lang daw umano sila ng isang pulis. Kaya hanggang ngayon palaisipan pa rin sa ilang netizens ang inilabas na resulta.

Naging madugo rin ang labanan sa nakaraang halalan dahil sa sunod-sunod na pagpatay sa mga tumakbong kandidato at ilan sa mga ito ay nakatanggap ng pagbabanta galing sa mga suspek. Sey ng mga netizens: Suspek, posibleng kalaban sa posisyon.

BASAHIN: 99.99% confirmed ang DNA: Kalansay ng bangkay na natagpuan, kumpirmadong si Jovelyn Galleno

ANG PAMAMARIL KAY DATING LAMITAN MAYOR ROSE FURIGAY

Nasawi sa pamamaril sa Ateneo Law School sa Quezon City ang dating mayor ng Lamitan City, Basilan na si Rose Furigay maging ang kaniyang bodyguard at isang security personnel ng naturang paaralan, noong Hulyo 24, samantalang sugatan naman ang anak nitong si Hanna Rose.

Kinilala ng Quezon City Police District (QCPD) director Police Brigadier General Remus Medina ang suspek na si Chao-Tiao Yumol, isang doktor at taga-Lamitan, City Basilan.

Ayon sa suspek, ang mag-asawang Furigay ang umano'y mga drug lord sa Basilan.

Mula noong ibinulgar niya ang tungkol sa mag-asawang Furigay, laging pinagbabantaan umano ang buhay niya.

“Tatlong beses akong pina-ambush ng pamilyang ‘to,” anang suspek.

Makalipas ang ilang araw, pinatay naman ang ama ng suspek na si Roland “Bobong” Yumol, sa harap mismo ng bahay nila sa Brgy. Maganda, Lamitan City, Basilan gamit ang 45 Caliber pistol ng hindi pa kilalang mga riding-in-tandem.

Nanawagan naman ng tulong ang nanay ng suspek kay Pang. Ferdinand “Bongbong” Marcos na tulungan sila dahil nasa “banta” umano ang buhay nilang lahat. Dagdag pa ni Mrs. Yumol na hindi raw umano niya kinukunsinte ang ginawa ng kaniyang anak.

BASAHIN: Dating Lamitan mayor, sinadya nga bang patayin dahil sa ilegal na droga?

ANG PAGPASLANG SA 29-ANYOS NA DALAGITA SA MALABON

Hustisya ang panawagan ni Jeannie Sandoval, alkalde ng Malabon, matapos na mabalitaan ang karumal-dumal na sinapit ng 29-anyos na dalaga sa Brgy. Baritan ng naturang lungsod, matapos gahasain at patayin sa loob mismo ng sariling pamamahay.

“Ang masahol na krimeng ito ay hindi natin basta na lamang papalampasin. Kasama po ako ng pamilya ng biktimang maguusig ng lakas para sa karampatang hustisya,” ani ni Sandoval.

Kinilala ang suspek na si Jemak Reyes na taga-Pantihan, Bgy. Flores, na kalaunan ay nahuli sa Malolos Bulacan.

BASAHIN: Bebot sa Malabon, ginahasa sa sariling tahanan, patay!

ANG PAGPATAY SA ISANG MENOR DE EDAD DAHIL SA TSISMIS

Walang-awang pinagsasaksak ng isang 16-anyos na batang babae ang kaniyang pinsan sa Brgy. Cabacungan, La Castellana, Negros Occidental noong Disyembre 5, dahil lamang sa isang tsismis.

Kinabukasan naman, sumuko ang suspek kasama ang kaniyang ama sa pulisya.

Ikinuwento rin ng suspek kay Capt. Rhojn Darell Nigos, hepe ng La Castellana Police, na niyaya niya muna ang kaniyang pinsan sa paglalakad at pagdating sa madilim na lugar ay dito na niya kinumpronta. Sinampal niya umano muna ito bago pagsasaksakin.

Ang suspek ay nai-refer na sa tanggapan na ng Municipal Social Welfare and Development Office.

BASAHIN: Menor de edad, patay sa saksak ng sariling pinsan dahil lang umano sa isang tsismis

ANG PAGPASLANG SA ISANG SENIOR CITIZEN SA LOOB MISMO NG INUUPAHANG BAHAY

Hindi pa alam ang dahilan kung bakit pinagbabaril sa loob mismo ng inuupahang bahay ang biktima na si Daniel Duque Guilao o kilala rin bilang “Putol,” 63, at residente ng Barangay Baesa, Quezon City.

Ayon sa pulisya, dakong alas-4:20 ng hapon nang pumasok ang dalawang hindi pa nakikilalang suspek at paulit-ulit na pinagbabaril ang biktima—na ikinamatay ng biktima.

Samantala, nakatakas naman ang dalaawang suspek na nakasakay sa isang motorsiklo.

Iniimbestigahan pa ng QC Polic District Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) at Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang insidente.

BASAHIN: Lalaking senior, 63, patay nang pagbabarilin sa loob ng inuupahang bahay sa QC

ANG PAGPATAY SA ISANG TRANSGENDER TEACHER SA ABRA

Walang kaawa-awang binaril ng mga suspek ang 38-anyos na si Rudy Steward Dugmam Sayen, isang transgender na guro mula sa Bangued, Abra.

Sa ulat ng pulisya, papunta pa lamang ang guro sa kanyang trabaho gamit ang minamanehong motorsiklo noong Setyembre 28, ngunit siya’y sinundan ng limang lalaking suspek at binaril ito sa harap mismo ng isang carwash sa kahabaan ng Abra-Ilocos Sur Road sa Barangay Lipca.

Ilang netizens na miyembro ng lesbian, gay, bisexual, transgender, queer or questioning, intersex, asexual (LGBTQIA+) community naman ang nakiramay at nanawagan na mas paigtingin pa ang pagbibigay ng pantay-pantay na proteksyon sa mga tulad nila.

BASAHIN: CHR, kinondena ang pagpaslang sa isang transgender teacher sa Abra

ANG PAMAMARIL SA MAMAMAHAYAG NA SI PERCY LAPID

Patay ang broadcaster-komentaristang si Percival Mabasa o mas kilalang si ‘Percy Lapid’ matapos barilin sa loob mismo ng kanyang kotse, sa Las Piñas City, bandang 8:30 ng gabi, noong Oktubre 3.

Pinaniniwalaan naman ng pamilyang naiwan ni Percy Lapid na posibleng ang kaniyang trabaho bilang mamamahayag ang dahilan kung bakit binaril ito. Nakapagsagawa pa umano ng kaniyang programa si Lapid, kung saan binanatan niya sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at Lorraine Badoy sa ginagawa umano nilang “red-tagging.”

Ngunit ayon sa pulisya, wala pa umanong malinaw na motibo sa pamamaslang sa naturang mamamahayag at kailangan muna itong ma-imbestigahan.

BASAHIN: Broadcaster na si Percy Lapid, patay matapos pagbabarilin sa Las Piñas City

ANG PAGPATAY SA 18-ANYOS NA DALAGITA SA ANGELES CITY

Wala nang buhay nang natagpuan ng kanyang ina noong gabi ng Dis. 16 sa loob ng kanilang silid ang anak nitong si Juana Mae Maslang , 18, estudyante, at residente ng Jesus St, Purok 4, Brgy. Pulungbulu, Angeles City.

Nadiskubreng nawawala na ang mga mahahalagang gamit ni biktima, gaya ng mobile phone at relo nito.

Dahil sa masusing imbestigasyon ng mga pulisya, natukoy ang mga suspek at kinilala itong sina Val Cahanding ‘BAL-BAL,’ 22 at kanyang kalive-in partner na si Japanie Torbelles, kapwa mga residente ng Brgy. Pulungbulu, Angeles City.

T-shirt na may mantsa ng dugo at isang kitchen knife ang narekober sa bahay ng mga suspek.

Kasalukuyan nang nasa selda ang mga suspek na kinasuhan ng robbery with homicide.

BASAHIN: https://balita.net.ph/2022/12/19/2-suspek-sa-pagpatay-ng-18-anyos-lang-na-dalagita-sa-angeles-city-timbog/">2 suspek sa pagpatay ng 18-anyos lang na dalagita sa Angeles City, timbog

ANG PAGLASON NG AMA SA SARILING ANAK SA LEYTE

Patay ang isang 7-anyos na batang lalaki matapos painumin ng pesticide ng sariling ama, sa Mahaplag, Leyte, nitong nakaraang Disyembre 19, bandang alas dos ng hapon.

Naisugod pa umano ang biktima na si Kyle Calusayan, residente ng Brgy.Hiluctogan, Leyte sa ospital pero hindi na naisalba ng mga doktor. Dineklarang dead-on-arrival ang bata.

Samantalang ang ama naman niyang si Joselito, ay kasalukuyan pang ginagamot sa Eastern Visayas Regional Medical Center.

Ayon sa mga pulisya, lumalabas na ang suspek raw ay posibleng nakaranas ng depresyon dahil wala itong trabaho at nilayasan ng live-in partner.

Nahaharap sa kasong parricide ang suspek. Ngunit ayon sa ina ng bata, hanggang ngayon ay hindi pa raw nakukulong ang kanyang ka live-in partner.

BASAHIN: Dahil sa depresyon? ama, nilason ang sariling anak; bata, tigok!

ANG PAGBARIL SA KAPITAN SA ABRA

Binawian ng buhay ang isang barangay chairman matapos bariling ng isang 'di pa kilalang suspek sa Bangued, Abra.

Kinilala ang biktima na si Ronnie Bringas, 45, chairman ng Brgy. Angad ng nabanggit na bayan.

"Nanonood lang ng basketball sa covered court sa kanilang lugar ang biktima nang bigla itong nilapitan ng suspek na nakasuot ng itim na jacket, itim na sumbrero, at itim na tube mask," pahayag ni Abra Police Provincial Office information officer Capt. Edwin Sergio.

Sa likurang bahagi ng ulo binaril ang kapitan kaya ito agad na naubusan ng dugo at namatay. Nakatakasa naman ang mga suspek.

BASAHIN: Kapitan, nanonood ng basketball sa Abra, binaril, patay