Isang babae ang nabaril at nasugatan ng isa sa walong hindi pa nakikilalang armadong lalaki na nagnakaw sa bodega ng isang express delivery service company sa Barangay Potrero, Malabon City, Lunes ng gabi, Disyembre 26.
Sinabi ni Col. Eros Miranda, deputy district director for operations ng Northern Police District (NPD) sa Manila Bulletin na nangyari ang insidente ng robbery hold-up dakong alas-8:10 ng gabi sa bodega, kung saan nakaimbak ang mga bagay para sa paghahatid sa mga customer, sa Industry Road sa Barangay Potrero.
Aniya, nagtamo ng mga tama ng bala sa kaliwang braso at hita ang biktima na kinilalang si “Jen,” empleyado ng courier service company. Isinugod siya sa Manila Central University Hospital sa Caloocan City para gamutin.
Sinabi ng police official na inaalam pa nila ang dahilan kung bakit binaril ng mga suspek ang biktima.
Sinabi ni Miranda na base sa nakalap nilang closed circuit television camera at mga ulat, biglang pumasok sa gusali ang walong suspek na nakasuot ng facemask at bull cap at kinuha ang mga personal na gamit ng 15 empleyado ng courier company, kabilang ang dalawang security guard. Tumakas sila sakay ng isang sports utility vehicle.
Ilan sa mga suspek ay armado ng matataas na kalibre ng baril habang ang iba ay may dalang pistola, aniya.
Kabilang sa mga tinangay ay ang 10 cellphone ng mga biktima, bag, ATM card, hindi pa matukoy na halaga ng pera, at isa sa service firearm ng mga security guard. Walang nakuhang produkto ng mga customer ang mga suspek.
Nasa mabuting kalagayan na ngayon ang sugatang biktima, sabi ni Miranda.
Dagdag pa niya, patuloy na iniimbestigahan pa rin ang insidente.
Aaron Homer Dioquino