CEBU CITY – Patay ang isang misis ng pagbabarilin ng sariling asawang pulis sa loob mismo ng himpilan ng pulisya sa Lungsod ng Naga, southern Cebu noong Araw ng Pasko.

Kinilala ni Lt. Col. Junnel Caadlawon, hepe ng City of Naga police, ang biktima na si Heronia Mata, 39-anyos, isang guro.

Dumating si Heronia sa himpilan ng pulisya upang magsampa ng reklamo laban sa kanyang asawang si Staff Sgt. Fernando Mata, 35.

Sinabi ng pulisya na si Heronia ay nasa loob ng Women and Children’s Protection Desk (WCPD) na pinoproseso ang kanyang reklamo nang pumasok si Fernando alas-2:40 ng hapon at paulit-ulit na binaril ang kanyang asawa gamit ang kanyang service firearm.

Probinsya

OFW na hinoldap, inundayan ng saksak sa terminal sa Maynila, nakauwi na ba sa pamilya?

Hindi na pumalas si Fernando nang arestuhin. Natagpuan ang kanyang service firearm sa ibabaw ng isang mesa sa loob ng opisina.

Namatay ang biktima habang dinadala sa ospital.

Sinabi ni Caadlawon na nagkaroon ng pagtatalo ang mag-asawa sa kanilang tahanan sa Barangay Tuyan, City of Naga bago nagtungo sa himpilan ng pulisya ang biktima para magsampa ng reklamo laban kay Fernando.

Nauna nang nagsampa ng reklamo si Heronia laban sa kanyang mister matapos umano itong bugbugin siya ng ilang beses. Walang sinampahan ng kaso laban sa suspek matapos maayos ang kanilang hindi pagkakaunawaan.

Ang mag-asawa ay may dalawang anak na babae, anang pulisya.

Ang opisina ng WCPD ay nasa ikalawang palapag ng istasyon ng pulisya. Sa oras ng insidente, tatlo lang ang tao sa loob – ang suspek, ang biktima, at ang staff ng WCPD na nag-asikaso sa complainant.

Sasampahan ng kasong parricide ang suspek, ani Caadlawon.

Calvin Cordova