Wala pa ring mananaya na pinalad na makapag-uwi sa jackpot prizes ng GrandLotto 6/55 at Lotto 6/42 ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO).

Sa abiso ng PCSO nitong Linggo, nabatid na walang nakahula sa six-digit winning combination na 41-47-09-51-21-43 ng GrandLotto 6/55 na binola nitong Sabado.

Dahil dito, hindi pa rin napagwagian ang katumbas nitong premyo na P93,531,352.60.

Mayroon namang anim na mananaya ang nakapag-uwi ng tig-P100,000 na second prize para sa nahulaang tiglimang tamang numero.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Samantala, wala ring pinalad na magwagi sa six-digit winning combination na 42-17-04-40-08-09 ng Lotto 6/42 kaya’t hindi pa rin naiuwi ang jackpot prize nito na P43,809,512.

Nasa 33 naman ang mga mananaya na nakapag-uwi ng tig-P24,000 na second prize para sa kanilang nahulaang tiglimang tamang numero.

Noong Biyernes, mailap pa rin naman at hindi pa rin natamaan ang mahigit P470 milyong jackpot prize ng UltraLotto 6/58 matapos na walang makahula sa six-digit winning combination nito na 40-51-35-31-27-50.

Nasa 15 naman ang mga mananaya na muntik nang maging multimilyonaryo matapos na makahula ng tiglimang tamang numero. Sila ay nakapag-uwi ng tig-P120,000 na second prize.

Ang GrandLotto 6/55 ay binubola tuwing Lunes, Miyerkules at Sabado habang ang Lotto 6/42 naman ay binubola tuwing Martes, Huwebes at Sabado.

Ang UltraLotto 6/58 naman ay may lotto draw tuwing Martes, Biyernes at ngayong araw ng Linggo.

Gayunman, dahil ngayon ang araw na ito ay natapat sa araw ng Pasko, wala munang selling ng tickets at lotto draws ang PCSO.