Trending ngayon ang dalawang pelikula ng Star Cinema na kalahok sa 2022 Metro Manila Film Festival---ang "Partners in Crime" nina Vice Ganda at Ivana Alawi, at ang "Labyu With An Accent" nina Coco Martin at Jodi Sta. Maria, matapos mapabalita ang lakas sa takilya.

Mabilis na na-sold out umano ang tickets ng dalawang pelikula sa ilang mga sinehan, ayon sa ulat.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Ang "Partners in Crime" ay unang pagsasama sa isang proyekto nina Vice Ganda, Ivana Alawi, at Direk Cathy Garcia-Molina. Ito rin ang kauna-unahang pelikula ni Ivana na isa siya sa lead roles.

Ito naman ang muling pagbabalik ni Vice Ganda sa MMFF matapos ang dalawang taon.

Samantala, ito rin ang unang beses na nagsama sa pelikula sina Coco at Jodi. Kamakailan lamang ay itinanghal na "Best Actress" si Jodi sa Asian Academy Creative Awards para sa "The Broken Marriage Vow", ang Philippine adaptation ng "Doctor Foster".

Bukod sa dalawang pelikula, trending din ang "Deleter" ni Nadine Lustre, gayundin ang "Family Matters" nina Noel Trinidad at Liza Lorena, ngunit wala pang kumpirmasyon ang pamunuan ng MMFF kung ang apat bang ito ang nangunguna sa takilya, sa unang araw ng pagbubukas ng MMFF.

Marami naman ang natuwa dahil muling sumigla ang mga sinehan kumpara sa MMFF 2021.