Posibleng umabot sa hanggang 900 bagong kaso ng COVID-19 ang maaaring maitala sa bansa ngayong Linggo, araw ng Pasko.
Ito ay batay na rin sa projections ng independent monitoring group na OCTA Research Group.
Sa isang tweet nitong Sabado ng gabi, sinabi ni OCTA Research fellow Dr. Guido David na ang mga bagong kaso ng impeksiyon ngayong Linggo ay maaaring pumalo ng mula 700 hanggang 900.
Nauna rito, nitong Sabado, nakapagtala ang DOH ng 834 bagong COVID-19 cases, sanhi upang umabot na sa 16,489 ang mga aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa at maitulak ang total cases na 4,060,960 mula nang mag-umpisa ang pandemya.
Ayon kay David, ang nationwide positivity rate ay nasa 10.4%. Ang positivity rate ay ang porsiyento ng mga tao na nagpositibo sa COVID-19 mula sa bilang ng mga taong isinailalim sa pagsusuri.
Nakapagtala rin sila ng 22 mga bagong namatay dahil sa sakit, kaya’t umakyat na rin sa 65,215 ang COVID-19 death toll sa bansa.
Ang mga gumaling naman sa karamdaman ay umabot na sa 3,979,256 matapos na madagdagan pa ng 1,207.
Hanggang nitong Sabado naman, ang aktibong kaso ng sakit sa bansa ay nasa 16,489 na lamang.
Patuloy naman ang paalala ng DOH sa publiko na bagamat maluwag na ang mga restriksiyon para sa mga pagtitipon ay dapat pa ring maging maingat ang lahat at patuloy na sumunod sa mga health protocols para maipagdiwang ang Pasko at bagong taon nang may mabuting kalusugan.