Nasungkit ni Afshin Esmaeil Ghaderzadeh, 20, mula sa Iran ang Guinness title na 'Shortest Man Living' matapos niyang ma-break ang record ni Edward Hernandez ng Colombia, na dating record holder.
Natuklasan kasing mas maliit pa si Ghaderzadeh ng 2.7 inches kaysa Hernandez.
Si Afshin ay may tangkad lamang na 2 feet and 1.6 inches at nasa timbang lamang na 14.3 pounds, at ikaapat sa naitalang pinakamaliit na lalaki sa buong mundo.
Ngunit hindi naging madali ang buhay ni Afshin sa Northern Iran. Dahil sa kondisyon niya, hindi ito nakapagpatuloy pa sa pag-aaral. Gayunpaman, natutuwa siyang kamakailan lamang ay natuto siyang isulat ang kanyang pangalan.
Sa panayam ng Guinness World Records kay Afshin, naibahagi niyang hindi naging madali ang pagbili ng kanyang mga damit. Ang tanging mga damit na angkop sa kanya ay ang mga ginawa para sa mga maliliit na bata, ngunit bilang isang 20 taong gulang na lalaki, hindi tagahanga si Afshin ng mga disenyong pambata, kaya sinusuot na lamang niya ay custom-made suits.
Naikuwento rin ni Afshin na parang isang panaginip lamang ang kasikatan na tinatamasa niya ngayon.
“Just thinking about being part of the Guinness World Records family is like a dream. I struggle to believe it sometimes. It is like you wake up the next day and the entire world now knows who you are. That’s magical,” pahayag ni Afshin.
“I like the attention I get from people. It makes me feel special,” dagdag pa niya.
Maaaring maliit siya, ngunit mukhang may malaking plano si Afshin para sa kaniyang pamilya.
Aniya, “My dream is to be able to help my parents. This global recognition might help me achieve my dream."