QUEZON -- Patay ang isang magsasaka at isang 53-anyos na lalaki sa magkahiwalay na insidente sa lalawigang ito bago sumapit ang araw ng Pasko, ayon sa Quezon Police Provincial Office (QPPO), nitong Linggo.

Ang mga biktima ay sina Gerry Ravaner, 38, magsasaka, at residente ng Barangay Bani sa bayan ng San Narciso, at Rockie Monteverde, 53, may asawa, at residente ng Purok 6 Brgy. Talaan Pantoc, bayan ng Sariaya.

Ayon sa ulat, naglalakad si Ravaner kasama ang kanyang ama sa tapat ng bahay ng suspek na si Joel Balote, 54, ng Barangay Bani nang lapitan ng huli na may dalang hindi pa mabatid na baril at walang anumang dahilan ay pinagbabaril ang una na tinamaan sa iba't ibang bahagi ng katawan at namatay noon din bandang alas-4:30 ng hapon. Tumakas si Balote patungo sa bulubunduking bahagi ng nasabing barangay.

Reklamong pagpatay ang isasampa laban sa suspek, habang nagpapatuloy pa ang imbestigasyon upang matukoy ang motibo ng pagpatay.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Sa Sariaya, si Monteverde ay nagmamaneho ng tricycle kasama ang kanyang anak na si Vincent at ang asawa ay sakay galing Talaan Pantoc papuntang Sariaya town proper nang may isang bata na pumapara para sumakay, dakong alas-3 ng hapon.

Hinintuan ng biktima ang bata para isakay hindi bilang pasahero, samantalang ang suspek na kinilalang si Redentor Bandol, 47, driver at residente ng Purok 5, barangay Tumbaga 1 ay pumapasada na kasunod ng biktima. Huminto ang suspek at bumaba sa kaniyang tricycle para isakay ang bata para kaniyang pasahero, subalit, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa.

Naghamon ng suntukan ang suspek, habang namamagitan ang anak ng biktima, subalit, bigla na lamang sinuntok ang biktima, at dito nagsuntukan ang suspek at biktima.

Nang huminto ang komosyon ay nagreklamo ang biktima ng pananakit ng dibdib habang nakaupo sa tricycle at bumagsak.

Dinala ang biktima sa Greg Hospital at binawian ng buhay habang nilalapatan ng lunas.

Nagsagawa ng hot pursuit at manhunt operation ang Sariaya Police laban sa tumakas na suspek habang nagsampa ng kaukulang reklamo para ihain sa prosecutor’s office.