Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pagbibigay ng gratuity pay para sa contract of service (COS) at job order (JO) na mga manggagawa ng gobyerno bilang pagkilala sa kanilang dedikasyon sa trabaho.
Ito ay batay na rin sa Administrative Order (AO) No. 3 na nilagdaan ng Pangulo nitong Biyernes kung saan nakasaad na ang lahat ng manggagawang JO at COS sa gobyerno na nakapagbigay ng maayos na serbisyo ay maaaring bigyan ng hindi hihigit sa ₱5,000.
Kasama sa mga makatatangap ay ang nakapagbigay ng kabuuan o hindi bababa sa apat na buwan ng actual satisfactory performance of service, alinsunod na rin sa itinakda sa kani-kanilang mga kontrata as of Dec. 15, 2022.
Makatatanggap din ng hindi hihigit sa ₱4,000 ang mga manggagawang nagseserbisyo mula tatlong buwan at hindi pa umaabot sa apat na buwan; ₱3,000 naman para sa mga nasa serbisyo ng mahigit dalawang buwan pero hindi pa umaabot sa tatlong buwan.
Pagkakalooban naman ng ₱2,000 ang mga hindi pa umaabot ng dalawang buwan ang serbisyo.
“Granting a year-end gratuity pay to COS and JO workers is a well-deserved recognition of their hard work in implementing programs, projects and activities and pivotal role in the delivery of government services amid the ongoing COVID-19 pandemic and present socio-economic challenge,” ayon pa sa AO ni Marcos.