Patay ang isang lalaki nang mabangga ng magkasalubong na sasakyan habang tumatawid sa kalsada sa Cainta, Rizal nitong Biyernes.

Naisugod pa sa Takano Hospital ang biktimang si Norbert Lorenzo ngunit binawian rin ng buhay habang ginagamot ng mga doktor, dahil sa tinamong mga sugat sa ulo at iba't ibang bahagi ng katawan.

Arestado at kapwa naman mahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang mga suspek na sina Eduardo Borral at James Talplacido.

Batay sa ulat ng Cainta Municipal Police Station, nabatid na dakong alas-4:00 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa East Bank Road, Floodway, Kabisig, Brgy. San Andres, Cainta.

PBBM, di ginawang caretaker ng Pinas si VP Sara: 'She's not part of admin anymore!'

Bago ang insidente ay binabagtas ng itim na Mitsubishi Montero Sports (NPQ-583) na minamaneho ni Borral ang naturang kalsada  patungong Taytay habang kasalubong nito ang puting dump truck (NAB 3893) na minamaneho ni Talplacido na patungo naman ng Pasig City.

Gayunman, pagsapit sa naturang lugar ay bigla na lang umanong nabangga ng naturang sports utility vehicle (SUV) ang biktima na tumatawid ng kalsada.

Tumilapon ang biktima at minalas na mabangga rin ng dump truck, na nagresulta sa kanyang kamatayan.