Ibinahagi ng kilalang propesor at historyador na si Xiao Chua ang isang "awkward story" habang nasa reunion concert ng Eraserheads na pinamagatang "Ang Huling El Bimbo 2022 Reunion Concert" sa SMDC Festival Grounds, Parañaque City noong Huwebes ng gabi, Disyembre 22.
Kuwento niya, nilapitan umano siya ng dalawang magkasintahan at humingi ng permiso ang babae kung puwede bang magpa-picture sa kaniya.
Ngunit nang makita raw ng babae ang mukha niya, tila nag-alinlangan itong ituloy ang pagpapa-picture sa kaniya.
"Kagabi sa Eheads concert."
"Dalawang magsyota lumapit, sabi ng babae: Sir puwede po bang magpapicture?"
"Ako: Sure…"
"Babae, pagkakita ng mukha ko sa malapitan: Ay… (nag-alinlangan)," kuwento ni Chua sa kaniyang Facebook post.
Inunahan na niya ang babae na hindi siya ang sikat na vlogger na si "Ninong Ry".
"Ako: I am sorry, hindi ako si Ry."
"Saka nagpasalamat at lumayo ang magsyota."
"Awkward true story. Witness si May-i," ani Chua.
Marami naman sa mga netizen ang nagsabing sinayang ng mag-jowa ang pagkakataong makapagpa-picture sa isang historyador gaya ni Xiao Chua, na naging TV host din ng TV show na "Xiao Time".