Nag-react ang motivational speaker at social media influencer na si Rendon Labador sa ulat ng Balita Online tungkol sa naging reklamo ng komedyanteng si Dennis Padilla sa "overpriced" na presyo ng mga pagkaing inorder nila ng balikbayang kaibigan, sa isang seafood restaurant na nasa seaside.
Ayon kay Dennis, pakiramdam daw niya ay naholdap ng resto ang kaniyang kaibigan dahil umabot sa mahigit ₱38K ang bill na binayaran nito, para sa 7 pax.
Nanawagan pa ang komedyante sa ahensiya ng pamahalaang dapat na umusisa nito, na busisiin ang mga ganitong presyuhan, lalo't marami sa mga Overseas Filipino Workers o OFW ang magbabakasyon sa Pilipinas para sa holiday season.
Ayon kay Labador, hindi sa lahat ng pagkakataon, "customer is always right". Sana raw, nagtanong muna ang kampo ni Dennis sa presyo ng mga pagkain bago sila naupo roon at kumain.
Ibinahagi pa ni Rendon ang screengrab ng ulat ng Balita Online at kinomentuhan.
"I-base natin ang TASTE natin kung ano lang ang AFFORD natin. CUSTOMER IS NOT ALWAYS RIGHT. Let's be fair sa mga negosyante din! Sa dami ng kumain diyan ikaw lang nagreklamo," saad ni Rendon.
Sa video ni Rendon, tila may mensahe naman siya kay Dennis na aniya ay idolo niya bilang artista.
"Brother Dennis, with all due respect po idol. Idol kita sa pagiging artista pero sa mindset hindi pupuwede sa akin ‘yan,” patutsada pa ni Rendon.
Dahil dito ay inungkat ni Rendon ang isa ring nag-viral na reklamo naman ng mga customer na kumain sa Virgin Island sa Bohol, kung saan umabot sa ₱26K ang kanilang bill.
“Kung wala kayong pera, kung limitado yung pera ninyo, eh magtanong muna kayo. Ang yabang n’yong umorder eh, puro kasi kayo payabangan, tapos magrereklamo kayo kapag mahal, kapag hindi n’yo afford.”
Dagdag pa ni Rendon, “Brother Dennis, sa susunod po magtanong po tayo. Magtanong ka muna para walang away.”
Wala pang tugon o pahayag si Dennis o ang restaurant tungkol sa isyu.