Tinukoy ng isang grupo ng mga travel agency sa Pilipinas ang Boracay, Cebu at Palawan na kabilang sa top domestic destination ng mga balikbayan ngayong holiday season.
Sa isang television interview, ipinaliwanag ni Philippine Travel Agencies Association executive vice-president JB Bernal Formilleza, mas pinipili ng mga overseas Filipino worker (OFW) na magtungo sa mga nasabing destinasyon pagkatapos ng dalawang taong restriksyon dulot ng pandemya ng coronavirus disease 2019.
"Now that the restrictions are lifted, these OFWs and families are planning to go to Boracay and it is being manifested sa record ng mga travel agencies," aniya.
Nagdagdag na rin aniya ng flight patungong Boracay ang mga airline dahil na rin sa dagsa ng mga biyahero.
Aniya, pinipili ng mga biyahero ang Boracay dahil madali lang bumiyahe patungo sa ibang destinasyon mula sa naturang isla.