BAUKO, Mt. Province – Patay ang dalawang laborer matapos maliunod habang nangingisda sa Lanas Lake sa Barangay Mayag ng bayang ito, Miyerkules, Disyembre 21. 

Kinilala ang mga biktima na sina Mayzzon Vicente Batatas, 24 at Czar Jay Vicente Opag, 20, kapuwa residente ng Kayan West, Tadian, Mountain Province.

Ayon sa imbestigasyon ng Bauko Municipal Police Station, dumating sa lawa ang mga biktima kasama ang ilang kaibigan dakong alas 10:00 ng umaga para mag-picnic.

Napagkasunduan ng dalawang biktima na gumamit ng bangka para mangisda sa gitna ng lawa, dakong alas 3:30 ng hapon, subalit nahulog umano sa tubig si Batatas.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Agad na sumaklolo ang kasama nitong si Opag para sagipin ang biktima, subalit pareho na silang nalunod at hindi na nakita.

Ang insidente ay inireport sa pulisya dakong alas 5:30 ng hapon at agad nag-responde ang mga tauhan ng Bauko MPS, Bureau of Fire and Protection, Municipal Disaster Risk and Reduction Management Office at Tourism Office-Bauko, kabilang ang ilang residente para magsagawa ng search and rescue operation.

Naiahon ng mga rescuer ang labi ng dalawang biktima kinabukasan, dakong alas 7:28 ng umaga ng Disyembre 22.