Pinangunahan ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang distribusyon ng educational assistance para sa mga estudyanteng may kapansanan o persons with disability (PWD) na naninirahan sa San Juan City.

Ang distribusyon ay isinagawa nitong Miyerkules, Disyembre 21, 2022 sa San Juan Gym, ng Person with Disability Affairs Office (PDAO).

Nabatid na nasa 300 PWD students mula kinder hanggang college ang tumanggap ng P4,000 cash benefit sa ilalim ng naturang programa.

Nasa kabuuang P1.2 milyon ang inilaan ng lokal na pamahalaan para sa nasabing programa, mula sa sarili nitong pondo.

National

Super Typhoon Ofel, napanatili ang lakas habang nasa northeast ng Echague, Isabela

Ani Zamora, ang mga SPED students mula sa Kabayanan Elementary School at Pinaglabanan Elementary School ang binigyan nila ng prayoridad sa programang ito.

Maingat na isinailalim sa screening ng PDAO ang mga aplikante bago naglabas ng pinal na listahan ng mga recipients simula noong Setyembre 2022. 

Ang naturang distribusyon ay taunang isinasagawa ng local government upang makapagbigay ng karagdagang suporta para sa kanilang educational needs. 

“Asahan ninyo na ang Pamahalaang Lungsod ng San Juan ay nandito para tumulong at sumuporta sa inyo. Bilang isang ama, gusto kong makatapos ang aking mga anak. Alam kong kayo ay ganun din. Kaya ito po ay ginawa namin para konting tulong para sa inyo,” ani Mayor Zamora.

Kasabay nito, inanunsyo ni Mayor Zamora na mayroong karagdagan pang P3,000 ang ipagkakaloob sa kanila sa susunod na taon, bago matapos ang school year.

Tiniyak rin niya sa mga magulang at mga recipients ang patuloy na pagkakaloob ng suporta para sa mga PWDs.

“Please always remember, kung anuman ang medical needs ng mga anak ninyo, may pondo tayong makakatulong sa inyo. Kung kailangan ng procedure, gamot, therapy, ‘wag kayong mag-atubiling lumapit dahil may nakalaang pondo tayo para dyan mula sa PDAO, Office of the Mayor at Public Assistance Center," aniya pa.

Upang ma-claim ang financial aid, kailangan ng mga estudyante at kanilang mga magulang na iprisinta ang kanilang PWD IDs, kasama ang kanilang balidong ID. 

Ang mga minor claimants o yaong 17-taong gulang pababa at yaong walang kakayahang pisikal na tumanggap ng cash aid ay maaaring katawanin ng kanilang mga magulang o kaanak, ngunit dapat na makapagpakita ng authorization letter at valid ID.