Sa kaniyang latest vlog kasama ang mga kapatid, binalikan ng YouTube star na si Mimiyuuuh ang tradisyunal na pagtitinda ng kaniyang mga magulang sa Baclaran tuwing sumasapit ang Kapaskuhan.
Ito rin aniya ang dahilan kung bakit isang regular na araw lang ang Pasko para sa pamilya noon ni Mimiyuuuh.
“I really felt ‘yung Christmas namin dati parang ‘di talaga special. Kasi parang every Christmas parang napi-feel ko po na parang obligated akong mag-work, magtinda kasi nga tutulong kami sa parents namin so ‘di kami nakaka-celebrate ng Christmas talaga,” pagbabahagi ng online star.
“It’s just a normal day,” paglalarawan niya sa Pasko.
Pag-amin pa ng online superstar, hindi rin aniya maiwasang maikumpara ang kanilang pamilya sa iba tuwing ipagdiriwang ang Pasko.
“Kasi dati naiinggit ako na syempre sa ibang family na nagsi-celebrate talaga ng Christmas; ‘yung talagang may event sila, may program,” aniya.
Dagdag niya, “Kasi since puyat po kami ng [December] 24 kasi nagtitinda kami sa Baclaran [tuwing] simbang gabi. Yung Christmas namin, ikakain na lang namin ta’s tutulog kami.”
Noon din ani Mimiyuuuh, espesyal na sa kanila ang handang lechon manok para sa isang salu-salo sa Pasko.
“Kahit hindi naman bongga ‘yung pasko niyo basta magkakasama kayo, andun na rin ‘yong essence ng Pasko,” ani Mimiyuuuh.
Kaya naman ngayong may kapasidad na, naging panata na rin ng YouTube star na gawing extra ang selebrasyon ng kanilang pamilya.
“Nung naging Mimiyuuuh ako I tried to make our Christmas super special. Parang this Christmas, may effort,” aniya.
Sa huli, “may pera and capability to celebrate” na rin naman aniya siya para sa pamilya.
Si Mimiyuuuh ay nakilala ng publiko kasunod ng kaniyang viral na “Dalagang Pilipina” video noong 2019.