Viral ngayon sa social media ang himutok ng isang make-up artist dahil sa isang kakilalang kliyenteng nagpadala ng mensahe sa kaniya sa chat upang magpa-make-up sa kaniya.

Inisa-isa ng make-up artist na may Facebook profile name na "Hmua Izza Arce" ang kaniyang mga punto kung bakit kahit kakilala ang nagpapaserbisyo ng make-up sa kaniya, kailangan pa ring may bayad at hindi basta libre lamang.

Ayon sa kaniyang Facebook post noong Disyembre 13, hindi rin naman nila pinupulot lang ang make-up o pambili ng make-up, at gumagastos din upang may magamit sa kanilang serbisyo.

Pangalawa, simple o bonggacious na make-up man, pareho pa rin daw ng hirap at proseso ang kailangang pagdaanan.

Hugot ng netizen tungkol sa 'Andito na tayo sa edad na...' umani ng reaksiyon

Pangatlo, hindi rin umano madali ang pagsasagawa ng make-up. Masakit din aniya ito sa likod.

"Sana naman mga beshies wag natin baratin ang mga make-up artist. Kahit pa kakilala natin sila. Alisin natin yung 'LIBRE NA. KAKILALA NAMAN EH'," paalala ng make-up artist.

"Kung may kakilala kang make-up artist suportahan mo siya and kung magpapaayos ka sa kaniya, kung ano price na bigay niya, wag mo nang baratin. Di naman kasi araw-araw may client 'yan. Lahat naman po kami nagsimula sa mumurahing gamit pero unti-unti nag-uupgrade kami hanggang maging branded na lahat ng gamit namin…"

"ISANG PAALALA LANG PO WAG PO SANANG MASAMAIN…" pahabol pa ng make-up artist.

Kalakip ng post ang screengrab ng kumbersasyon nila ng kakilala.

Habang isinusulat ang balitang ito ay umabot na sa 819 reactions, 658 shares, at 173 comments ang naturang viral FB post.