Mahaharap na naman sa panibagong usapin ang kontrobersyal na suspended Bureau of Corrections (BuCor) chief na si Gerald Bantag matapos tiyakin ni BuCor officer-in-charge Gregorio Catapang, Jr. na kakasuhan niya ito ng plunder dahil sa hindi natapos na proyektong pagpapatayo ng bilangguan kahit bayad na ng P1 bilyon.
“Oo, mag-file ako ng plunder,” banggit ni Catapang sa isang radio interview nitong Miyerkules.
Ipinaliwanag ni Catapang, 60 porsyento pa lang ang natapos sa proyekto ng BuCor.
“Imagine P1 billion ‘yung pera ng gobyerno para sa pagpapagawa ng prison cells. Dapat doon nga ma de-decongest ‘yung ano eh, ‘yung BuCor.Eh, isipin niyo, 95%nasingilna, nakuha na, na pera na. Eh, 60% lang ang tapos. Walang bubong.Papaanopapatirahin ‘yung mga PDL doon? So naantala rin ‘yung ating reform agenda,” lahad ni Catapang.
Sa pahayag naman ng legal counsel ni Bantag na si Rocky Balisong, sasagutin nila sa proper forum ang usapin.
Matatandaang sinuspindi ngDepartment of Justice (DOJ) si Bantag dahil sa pagkamatay ni Cristito Villamor, alyas Jun Villamor, na umano'y "middleman" sa pagpaslang kay veteran journalist Percival "Percy Lapid" Mabasa sa Las Piñas City nitong Oktubre 3 ng gabi.
Namatay si Villamor habang nakakulong sa National Bilibid Prison (NBP) nitong Oktubre 18 ilang oras matapos lumantad ang self-confessed gunman sa kaso ni Mabasa na si Joel Escorial na nagsasabing inutusan siya ng una na paslangin si Mabasa.