Masagana ang Pasko at Bagong Taon ng isang 69-anyos na lolo na dating factory worker matapos na kubrahin na ang napagwagian niyang tumataginting na₱63,013,007.40 na jackpot prize ng SuperLotto 6/49 na binola noong Nobyembre 27.
Sa abiso ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) nitong Martes, nabatid na Nobyembre 28 nang magtungo sa kanilang punong tanggapan sa Mandaluyong City ang naturang mapalad na lotto winner na mula sa Valenzuela City, upang kubrahin ang kanyang napanalunang jackpot prize.
Ayon sa lucky winner, ang napanalunan niyang winning combination na 05-42-40-03-25-35 ay napanaginipan niya noon pang 1995, bago pa man mailunsad ang Lotto 6/42.
Simula umano noon ay inaalagaan na niya sa lotto ang mga naturang numero at matapos nga ang 27 taon ay nabiyayaan siya at tuluyang tinanghal na bagong lotto millionaire.
“Sa totoo lang, itong mga numerong ito ay galing po sa aking panaginip. Wala pa pong lotto noon, 1995 po iyon. Noong nagkaroon ng lotto, inalagaan ko po ang mga numbers, di ko naman po akalain na ngayon ko po makukuha ang jackpot,” anang lotto winner.
“Pasalamat po ako sa Diyos na tumama ang aking numero na ako’y may taya. Dahil sa loob naman po ng isang linggo, minsan po ay nalilibanan ako sa pagtaya. Minsan sa isang linggo ay 3 beses ako hindi nakakataya. Buti na lang po talaga kaloob ng Panginoon na tuparin ang matagal ko ng pangarap,” aniya pa.
“Una po ay nagpapasalamat ako sa Panginoon Diyos sa kaloob niyang biyaya. Iyong paghihirap ko ng mahabang taon ay sinuklian niya ng higit pa sa aking inaasahan. Maraming salamat din po sa PCSO, sa tinagal-tagal ng pagtangkilik ko sa inyong mga palaro ni minsan hindi po ako nagduda. Kaya heto na po ako, hawak hawak na ang aking matagal na hinihiling,” aniya pa.
Dahil matanda na umano siya at nakapagtapos na ang kanyang mga anak, balak niyang gamitin ang napanalunang pera upang mag-enjoy na lang sa buhay at magtayo ng negosyo upang magkaroon ng sarili niyang pabrika.
“Matanda na po ako napagtapos ko na po ang aking mga anak, plano ko na lang na mag enjoy sa buhay at magtayo ng negosyo. Dati po akong factory worker, ngayon ako naman po ang magiging factory owner,” aniya pa.