Isa sa mga nakasanayan nang gawin tuwing nalalapit na ang pagdiriwang ng Pasko ay ang pagsasagawa ng iba't ibang Christmas party; sa paaralan man, trabaho, o iba't ibang samahan o organisasyon. At kung may Christmas party, siyempre, nariyan din ang bigayan ng regalo, na minsan ay ginagawang exchange gift.
Ngunit paano kung ayaw ng ka-exchange gift mo ang regalo para sa kaniya?
Iyan ang ibinahagi ng inang si Christine Ursua Francisco matapos maiyak ang kaniyang anak na babae dahil isinauli raw ng kaklase nito ang "pop it bag" na ipinanregalo niya para sa exchange gift ng klase.
First time sumali ng anak sa ganitong klaseng Christmas party kaya ganoon na lamang ang pagkalungkot ng ina. Ipinroseso na lamang ng ina sa anak na baka ayaw ng kapalitan nito ng regalo ang "girly things".
"GIVE LOVE ON CHRISTMAS DAY pero ang nangyari returning gifts on Christmas day, for me worth it naman for 100+ yung gift ng baby ko hindi naman 'yan lower… magagamit naman kasi girl din kapalitan niya..pero bakit kaya?" litanya ng ina.
Ibinahagi pa niya ang "traumang" nangyari sa anak nang umuwi na sila. Makikita sa video ang pagpalahaw ng iyak ng bata dahil sa pagkapahiyang nangyari.
"So heto na nga yung epekto ng nangyari sa kaniya kahapon, nahiya at natakot na naman siya sa ibang tao, nawala na 'to simula nag-grade two siya this, school year heto na naman… back to zero na naman ako building up her confidence again."
Sa latest update ng ina, masaya na ulit ang bata matapos padalhan ng regalo ng ilang concerned netizens na nabagbag ang kalooban sa nangyari.