Inanunsyo ni Manila Mayor Honey Lacuna na dalawang bagong bahay pa ang kanilang ipinatayo para sa mga senior citizens na inaalagaan ng city government.

Sinabi ni Lacuna nitong Martes na ang mga naturang istruktura ay pinasinayaan ni Manila Department of Social Welfare chief Re Fugoso sa isang simpleng seremonya na isinagawa nila kamakailan.

“Pinasinayaan natin ang dalawang bagong bahay ng mga lolo at lola natin sa Luwalhati ng Maynila sa Manila Boystown,” ani Lacuna.

Kaugnay nito, pinasalamatan ng alkalde ang mga taong nag-isponsor para maipatayo ang naturang mga tahanan para sa mga senior wards sa Boystown Complex.

Metro

Tatay na umano'y nambugbog, sugatan matapos gantihan at saksakin ng anak

Sa kanyang panig, laking pasalamat naman ni Fugoso sa mga taong nag-isponsor sa naturang mga istruktura.

“Lubos ang pasasalamat ng Lungsod ng Maynila sa pamumuno ni Mayora Honey Lacuna at ng Manila Department of Social Welfare (MDSW) sa Rotary Club of Manila Bay President William Yu at lahat ng bumubuo nito, kay PHILRACOM Chairman Reli De Leon at kay Senator Koko Pimentel,” ani Fugoso.

Aniya, malaki ang maitutulong ng mga naturang bagong istruktura upang magkaroon ng mas malaking lugar na maiikutan ang kanilang mga senior wards.

Nabatid na sa kasalukuyan, ang MDSW ay may 400 senior citizen na inaalagaan sa Manila Boystown, bukod pa sa 30 kabataan na nasa Kids Home; 110 na nasa Girls Home; 140 na nasa Boys Home at 350 homeless at street dwellers.

Ani Fugoso, ang mga naturang wards ay homeless o di kaya ay inabandona na ng kani-kanilang pamilya kaya’t inako na ng pamahalaang lungsod ang pangangalaga sa kanila.