Tunghayan ang kasaysayan at kalakip na kuwento sa nakatakdang magbukas na kainan at atraksyon sa Baguio City -- ang pamosong Laperal White House!
Kasunod ng viral na paghahanda na ng dating tinaguriang “Haunted House” para sa pagbubukas nito sa publiko, ang alam lang ng kalakhan ngayon ang mga kababalaghang hatid ng lumang mansyon.
Oo nga’t pugad daw ang lugar ng mga ligaw na kaluluwa, ngunit sino-sino nga ba at paano nga ba pinaniniwalaang nakulong ang mga ito sa mansyon sa mahabang panahon?
Pinaniniwalaang itinayo ang bahay noon pang 1920’s sa pangangalaga ng pamilya nina Don Roberto at Doña Victorina Laperal, at kanilang lumalaki noong pamilya.
Ayon sa mga lokal na residente, at sa mga naisalin nang mga kuwento, ang mga Laperal ay inilarawang isinumpa umano dahil na rin sa kaliwa’t kanang dagok at trahedya na inabot nito sa naturang mansyon.
Unang kinaharap ng pamilya ang pagkamatay ng bunsong anak ng mga Laperal nang mabundol ng kotse sa harapan mismo ng kanilang bahay.
Ang naging kapabayaan ng kaniyang bantay na yaya itinurong dahilan ng maagang pagpanaw ng batang Laperal dahilan para magpatiwakal din ito ilang linggo lang ang nakalipas.
Paglipas ng mahabang panahon, nananatili ang kaluluwa at sa katunayan ay ilang beses nang namataan ang bakas ng mga ito sa mga larawan ng mga turistang dayo.
Partikular umanong ilang beses nang nagpakita ang batang Laperal sa hagdan sa bukana ng mansyon habang nakita naman sa itaas na silid na attic ang kaluluwa ng kaniyang yaya.
Ayon sa dagdag na salaysay ng American paranormal explorer na si “Amy’s Crypt” sa YouTube, mayroon din umanong isa pang kambal na anak ang mga Laperal kung saan napaslang sa isang krimen ang isa sa Maynila, habang dala ng matinding dagok at lungkot, nagpatiwakal ang isa pa sa isang silid ng ngayo’y bantog na mansyon.
Sa kasagsagan ng World War II, naging saksi rin ang makasaysayang bahay sa pananakop ng mga Hapon nang gawin itong pansamantalang garison.
Dito, ang bahay ay naging sentro ng pagpapahirap, dahas at pagpatay dahilan para sa paglipas ng isang milenyo ay nabalot na ito ng kababalaghan, at tila tuluyan nang nanirahan sa mansyon.
Sa taglay na reputasyon ng Laperal White House, hindi naman kataka-takang naging suki na rin sa ilang palabas sa telebisyon tuwing Halloween ang bantog na bahay na naitampok na sa iba’t ibang programa, dokumentaryo sa parehong ABS-CBN at GMA 7.
Ngayo’y Disyembre nga, isang bagong mukha ng kinatatakutang mansyon ang masisilayan ng mga lokal at dayuhang turista.