Handa na ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa anumang pag-atake ng New People's Army (NPA) sa mga susunod na araw kasunod ng ika-54 anibersaryo ng pagkakatatag ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa Disyembre 26.
Ito ay tugon ng pamahalaan sa idineklarang period of mourning ng CPP sa pagkamatay ng founding member ng kilusan na si Jose Maria Canlas Sison nitong Biyernes.
Sa naturang panahon ng pagluluksa, pinapayagan ng kilusan na magsagawa ng opensiba ang mga miyembro nito laban sa mga tropa ng gobyerno.
Nauna nang inihayag ng AFP at PNP na wala pa silang natatanggap na seryosong banta laban sa pamahalaan hinggil sa pagkamatay ni Sison o sa anibersaryo ng kilusan.
Paliwanag ni PNP Spokesperson Col. Jean Fajardo sa isang television intwerview, nagpakalat na sila ng mga tauhang binubuo ng Special Action Force, sa mga lugar na madalas na inaatake ng mga rebelde.
“So far wala tayong nare-receive na any serious threat relating po sa forthcoming anniversary ng CPP sa darating na December 26, but nonetheless hindi po tayo nagko-kompyansa at ‘yong ating intelligence monitoring po ay tuloy-tuloy in coordination with other intelligence units po,” sabi ni Fajardo.
Binira naman ng AFP ang kilusan kaugnay sa pahayag nitong magsasagawa ng opensiba.